Garcia

E-vehicles isinusulong sa Bataan

Christian Supnad Apr 25, 2026
204 Views
BALANGA CITY, Bataan–Isinusulong na ng Bataan ang paggamit ng electric (E) vehicles bilang bagong mode ng transportasyon sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga petrolyo.
Sa programa na dinaluhan ni Gov. Joet Garcia na tinawag na “InvestBataan: EV Roadshow 2026” sa pangunguna ng JCI Bataan katuwang ang Bataan Public-Private Partnership & Investment Center, Assurance Philippines at CarBev-Battery Electric, nagsama-sama ang mga kinatawan mula sa pamahalaan, pribadong sektor, at iba’t-ibang industriyang may kinalaman sa EV upang talakayin ang mga hakbang para sa mas episyenteng sistema ng pampublikong transportasyon.
Ayon sa gobernador, ilan sa mga pangunahing inisyatibo ng pamahalaang panlalawigan ang:
* Pagpapatayo ng mga charging stations sa iba’t-ibang bahagi ng probinsya upang matiyak ang sapat na imprastraktura upang mapalawak pa ang paggamit ng EVs;
* Plano para sa pagkuha ng mga e-bus na magbibigay ng libreng sakay sa mga benepisyaryo ng Iskolar ng Bataan at kanilang mga pamilya; at
* Pagpapalawak ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) upang makalikha nang mas maraming oportunidad sa paghahanapbuhay
Bukod sa pangangalaga sa kalikasan, pinaliwanag pa ni gov. Garcia na: “layunin ng mga inisyatibo na gawing mas maayos, mas komportable at mas abot-kaya ang pampublikong transportasyon para sa ating mga kababayan bilang tugon sa mataas na presyo ng produktong petrolyo.”
“Maraming salamat po sa Peer Motortek Sales Corp., MG Bataan, Geely Bataan, Xpress, Vinfast, HEXAGON Motors, BYD, Grab, Reurasia Management Corporation at Nissan Bataan sa pagiging katuwang natin sa nasabing gawain,” dagdag ng gobernador.