Lacson

Chairman’s Progress Report kasama sa privilege report ni Lacson

52 Views

SINABI ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” M. Lacson na ihahain niya sa pamamagitan ng privilege speech ang Chairman’s Progress Report ng Blue Ribbon Committee kaugnay ng imbestigasyon nito sa flood control kapag nagbalik-sesyon ang Senado sa Mayo.

Sinabi ni Lacson, chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee, na ang hakbang ay magbibigay-daan upang mailagay sa public record ang mga natuklasan ng panel habang kulang pa rin sa kinakailangang bilang ng pirma ang partial committee report para maihain at ma-sponsor sa plenaryo.

“I will present it via a privilege speech entitled ‘The Chairman’s FCP Progress Report.’ At least kung privilege speech, since ayaw magpirma ng ibang members, I don’t have to consult them,” ani Lacson.

Ayon sa kanya, anim pa lamang ang pirma sa partial committee report nitong Lunes, kulang ng tatlo sa siyam na kinakailangan upang maihain at ma-sponsor ito sa Senate floor.

Kapag naihain na sa plenaryo, sinabi ni Lacson na ang Chairman’s Progress Report, na naglalaman ng nilalaman ng partial report, ay maaaring maibahagi sa Department of Justice at Office of the Ombudsman dahil magiging bahagi na ito ng public record.

“I’ll be able to share the report and our recommendations with the Ombudsman since magiging public record na yan after I have presented it by way of a privilege speech. Sayang kasi – para mapakinabangan ang evidence kesa mapanis lang,” ani Lacson.

Nauna nang sinabi ni Lacson na ilalahad sa Chairman’s Progress Report ang mga natuklasan sa partial report, kasama ang mga ebidensiyang nakalap sa mga pagdinig ng komite bilang attachments.

Maglalaman din umano ang ulat ng mga visual aid upang mas madaling maunawaan ng publiko ang mga natuklasan ng komite kapag iniharap na ito sa plenaryo.

Sinabi ni Lacson na bukas pa rin siya sa posibilidad na may iba pang senador na pumirma sa partial committee report upang maisponsor niya ito sa plenaryo para sa debate, pag-amyenda, at posibleng pagpapatibay.

Ayon sa kanya, ang paghahain ng Chairman’s Progress Report ay makatutulong din upang maipagpatuloy ng panel ang mga pagdinig dahil magiging bahagi na ng public record ang nilalaman ng partial report.

“The Office of the Ombudsman informally asked for a copy of our partial report. We are studying if this can be done especially as the partial report has not been tackled on the Senate floor.

But one way to address this is with the chairman’s progress report, that will help the Ombudsman in its investigation,” ani Lacson.

“We must help each other and integrate our efforts so the investigation will be clearer,” dagdag niya.

Ayon kay Lacson, nakapagsagawa na ang Blue Ribbon Committee ng walong pagdinig hinggil sa flood control issue. Sinabi niya na ang privilege speech route ay magbibigay-daan upang umusad ang trabaho ng komite habang hinihintay pa ang kinakailangang bilang ng pirma sa partial report.