Bucoy1

Precautionary HDO vs Romualdez maaaring kuwestiyunin — abogado ng FLAG

137 Views

ANG isang precautionary hold departure order (HDO) na inilabas laban sa dating Speaker na si Ferdinand Martin G. Romualdez ay maaaring kuwestiyunin at maalis sa pamamagitan ng mosyon sa Sandiganbayan, ayon sa isang abogado mula sa Free Legal Assistance Group (FLAG).

“Pwede ‘yang mabaliktad kasi ex parte ito,” ani abogado Antonio Audie Bucoy sa isang panayam sa radyo sa dzBB.

Ang precautionary HDO ay inilabas ng Sandiganbayan batay sa aplikasyon ng Office of the Ombudsman bilang bahagi ng sinasabing nagpapatuloy na imbestigasyon sa umano’y mga iregularidad sa mga proyektong flood control.

Ipinaliwanag ni Bucoy na ang naturang utos ay ex parte—ibig sabihin, inihahain ito ng isang panig nang walang paunang abiso sa kabilang panig—kaya’t ang hukuman ay kumikilos batay lamang sa ebidensiyang iniharap ng aplikante.

“Ex parte, noong nag-apply ang Ombudsman, walang notice sa kabila. Sila lang ang magpi-presenta ng ebidensya kung bakit ang precautionary [HDO] ay dapat iutos ng Sandiganbayan,” ani Bucoy.

Ayon kay Bucoy, bagama’t pinahihintulutan ng ex parte na katangian ng utos ang mabilis na aksyon ng mga awtoridad, nagbibigay rin ito ng pagkakataon sa respondent na kuwestiyunin ito kapag siya ay naabisuhan na.

Sinabi rin niya na maaaring tutulan ang naturang utos batay sa kawalan ng probable cause, pagiging maaga o prematuro nito kung wala pang preliminary investigation, at kawalan ng panganib na tumakas ang respondent.

“Maaari mong sabihin, ‘una, wala namang probable cause. Pangalawa, masyadong maaga—wala pang preliminary investigation. At pangatlo, hindi ako flight risk, hindi ako tatakas,’” ani Bucoy.

Dagdag pa niya, maaaring alisin ng Sandiganbayan ang utos kung mapapatunayan ang mga nabanggit na batayan.