Batangas

Mga dance group na nagbigay karangalan sa PH bumisita kay Mayor Mariño

26 Views

Batangas1

Lungsod ng Batangas—Nag-courtesy visit noong Lunes kay Mayor Marvey Mariño ang mga lokal na dance group na nagbigay ng karangalan sa siyudad matapos ang kanilang tagumpay sa World Supremacy Battlegrounds Philippines.

Kabilang sa mga ito ang DanzGen Varsity na itinanghal bilang champion sa Varsity Division, at Honky Babies na nagkampeon naman sa Young Guns Division.

Pasok naman bilang qualifiers ang DanzGen Project sa Open Division at Honky Tonk sa Cell Division.

Dahil sa ipinamalas na husay, nakatakdang katawanin ng mga nasabing grupo ang bansa sa World Supremacy Battlegrounds International na gaganapin sa Hong Kong sa April 2027.

Dagdag pa rito, isa pang international competition ang lalahukan ng DanzGen Project matapos nilang maging qualifier sa United Dance Organisation para sa Ultimate Advance, na idaraos sa Winter Gardens sa Blackpool sa Agosto 2026.

Ito ay patunay sa kanilang tagumpay at patuloy na pag-usbong ng talento ng kabataang Batangueño sa larangan ng sayaw at sining, at sa kakayahan ng mga lokal na makipagsabayan sa pandaigdigang entablado.