Meralco

COLMENARES SA MERALCO: ‘BILL SHOCK’ NG CUSTOMERS ITIGIL

29 Views

MARIING kinondena ng mga consumer advocates at ng grupong Bayan Muna ang umano’y “bill shock” ng milyun-milyong customer ng Meralco ngayong Abril at Mayo 2026, sa gitna ng record-high na singil na pumalo sa ₱14.3496 per kWh.

Bayan Muna Chairman Neri Colmenares, hindi katanggap-tanggap na ang mga consumer ang sumasalo umano sa bawat paghina ng piso laban sa dolyar dahil sa mga “dollar-denominated” na kontrata ng Meralco.

“Bakit ang taumbayan ang pinagbabayad ninyo sa paghina ng piso? Ang Meralco ay kumikita ng bilyon-bilyon, pero ang risk ng palitan ng dolyar ay ipinapasa sa mga pamilyang hindi na magkandaugaga sa taas ng presyo ng bigas at bilihin,” ani Colmenares.

Binigyang-diin din ni Colmenares ang pagpataw ng 12% Value-Added Tax (VAT) sa System Loss Charge.

Inihalintulad niya ito sa pagbili ng gamit sa palengke kung saan may “iuuwi” ang mamimili kapalit ng binayarang buwis.

“Sa system loss, nagbayad ka ng 12 percent VAT, pero anong inuwi mo? Wala. Bayad ito sa kuryenteng hindi mo naman ginamit, kuryenteng nawala sa mga illegal connection na sila naman dapat ang rumeresolba. Hindi namin kasalanan, bakit kami ang sisingilin?,” giit ni Colmenares.

Pinuna rin ng mga kritiko ang tila mabagal na paglipat ng Meralco sa Renewable Energy (RE) habang ang ibang distribution utilities gaya sa Iloilo, Bohol, at Davao ay nakakaranas ng mas mababang singil dahil sa local at renewable sources, ang Meralco ay nananatiling nakasandal sa imported natural gas at coal.

“Sampung porsyento (10%) lang ang renewable energy ng Meralco. Ang natitira, imported na gas at coal na binabayaran sa dolyar. Kaya bawat kibot ng world market, bill shock ang hatid nila sa atin. Ito ang bunga ng pagiging monopolyong nakasandal sa dayuhang interes,” dagdag pa ni Colmenares.

Nananawagan ang Bayan Muna na kumilos ang Meralco at I-renegotiate ang lahat ng Power Supply Agreements (PSAs) sa mga coal at gas plants upang maging “peso-denominated” at hindi “dollar-indexed” ang bayad sa kanilang kontrata.

Alisin ang VAT sa system loss at iba pang pass-through charges at gamitin ang pondo ng gobyerno sa mga subsidy sa lifeline rates sa halip na ipasa ito sa bill ng mga regular na consumer.