Boga

Walang lisensyang baril nakuha sa obrero

Edd Reyes May 5, 2026
20 Views

TIMBOG ang construction worker na inginuso ng concerned citizen dahil sa pagdadala ng hindi lisensiyadong armas noong Lunes sa Malabon City.

Sa bisa ng inilabas na search warrant ng Regional Trial Court (RTC) ng Malabon City, pinasok ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang bahay ni alyas “Tony” sa Brgy. Ibaba, Malabon City kung saan nakuha ang kalibre .38 revolver na kargado ng tatlong bala.

Nauna nang kinatigan ng korte ang hirit ng pulisya na paglalabas ng search warrant matapos patunayan ng nagrereklamo na madalas niyang makita ng personal ang iniingatang hindi lisensiyadong baril ng suspek sa loob ng kanilang bahay.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) sa Malabon City Prosecutor’s Office.