Calendar
Source: PCADG Tagapag-unay FB
PNP nagpasalamat sa patuloy na tiwala, kumpiyansa ng mamamayang Pilipino
MALUGOD na tinatanggap ng Philippine National Police (PNP) ang resulta ng pinakahuling Tugon ng Masa nationwide survey ng OCTA Research, kung saan nakapagtala ang organisasyon ng 63 percent trust rating at 61 percent satisfaction rating para sa unang bahagi ng taong 2026.
“Nagpapasalamat ang PNP sa patuloy na tiwala at kumpiyansa ng mamamayang Pilipino. Ang nasabing resulta ay sumasalamin sa pagsisikap ng kapulisan na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, maipatupad ang batas, at maprotektahan ang mga komunidad,” sinabi ni PNP chief, General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Para sa PNP, ang survey na ito ay nagsisilbing paalala at inspirasyon upang lalo pang pagbutihin ang pagbibigay-serbisyo at patuloy na maisabuhay ang layunin ng isang Bagong PNP para sa Bagong Pilipinas: Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman, sinabi ng Hepe ng Pambansang Pulisya.
Kasabay nito, patuloy ding isinusulong ng PNP ang adbokasiya para sa mas ligtas na mga lungsod at pamayanan sa pamamagitan ng mas pinaigting na police visibility, mabilis na pagtugon sa insidente, at mas malawak na pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at komunidad upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, dagdag pa niya.
Ayon kay Gen. Nartatez, mananatiling nakatuon ang PNP sa makatao at maagap na pagpapatupad ng batas, habang patuloy na pinaiigting ang kampanya laban sa kriminalidad at pinalalakas ang ugnayan sa mga komunidad sa ilalim ng PNP Focused Agenda.
Muli, nagpapasalamat ang PNP sa suporta ng publiko at tinitiyak na patuloy itong magsisilbi nang tapat para sa kapakanan at kaligtasan ng lahat, kanyang ipinahayag.

