Atty. Oducado

Batang may malubhang sakit makakaranas ng libreng pagpapagamot sa panukala

Mar Rodriguez May 10, 2026
40 Views

ISINULONG ni 1-TAHANAN Party List Rep. Nathaniel Oducado ang panukalang batas para magkaroon ng libreng gamutan ang mga batang may malubhang karamdaman.

Layunin ng House Bill No. 8791 na tiyakin na ang mga batang may malubhang sakit ay makakatanggap ng tuloy-tuloy na tulong mula sa pamahalaan para sa kanilang gamutan at pangangalaga.

“Nakikipaglaban na nga sila para sa kanilang buhay, kailangan pang kalabanin ng mga pamilya nila ang sistema para lang makahingi ng tulong.

Madalas napipilitang magbenta ang kanilang pamilya ng ari-arian, bumibiyahe ng napakalayo,” sabi ni Oducado.

Ang HB No. 8791, na pinamagatang “Children’s Critical Illness Support Act, ay nagtatatag ng komprehensibong programa na magbibigay ng buong subsidiya sa gastusing medikal sa mga pampublikong ospital.

Nakapaloob din dito, dagdag pa ni Oducado, ang pagpapalawak ng saklaw ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na magbigay ng mahahalagang gamot, lunas at magpaabot ng tulong pinansiyal sa pribadong kapasidad kung kinakailangan.

“Sa kasalukuyan, paikot-ikot ang mga magulang sa iba’t-ibang opisina, ospital at charity para lamang mabuo ang perang kailangan sa gamutan at maraming bata ang naghihirap o namamatay dahil huli na ang tulong na dumarating,” ayon sa mambabatas.