Pic2

Menor de edad, sanggol nasagip sa human trafficking sa P’que

25 Views

Pic3

BUMAGSAK sa kamay ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pitong indibidwal matapos madiskubreng sangkot umano sa human trafficking at sekswal na pagsasamantala sa mga menor de edad sa serye ng operasyon sa Parañaque City noong Mayo 7.

Sa ulat ng NBI-Homicide Division, umabot sa 12 biktima — kabilang ang ilang menor de edad at isang sanggol — ang nasagip mula sa umano’y illegal trafficking activities na ikinukubli sa ilalim ng spa at wellness services.

Nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang non-government organization hinggil sa grupong umano’y nag-aalok ng mga babae bilang “therapists” para sa tinatawag na “nuru massage” at “lingam massage,” na kalaunan ay natuklasang may kasamang sexual services kapalit ng bayad.

Sa isinagawang surveillance at online coordination ng mga operatiba, natukoy ang isang establisimyento na tinatawag na “Rainbow Spa,” kung saan nakumpirma umano ang ilegal na aktibidad. Dinala pa umano ang mga undercover agent sa isang apartelle matapos ialok ang serbisyo ng dalawang babaeng therapist. Kaagad namang kumilos ang mga awtoridad matapos maibigay ang marked money at doon na isinagawa ang pag-aresto sa dalawang lalaking umano’y naghahatid ng mga menor de edad sa mga kliyente.

Nadiskubre rin ng mga imbestigador na magkakasamang naninirahan ang ilan sa mga biktima at suspek sa isang bahay sa Fortunata Village sa Parañaque. Sa follow-up operation, dalawa pang suspek ang naaresto at walong iba pang biktima ang nasagip.

Lumitaw rin sa imbestigasyon na may dalawa pang menor de edad na ibinibiyahe umano para magserbisyo sa ibang lugar. Kalaunan ay natunton ng mga awtoridad ang mag-asawang itinuturong operator ng sindikato sa Fourth Estate, Barangay San Antonio, Parañaque, at matagumpay ding naaresto.

Kasabay nito, isa pang rescue operation ang isinagawa sa isang motel sa Pasay City kung saan isang menor de edad ang nasagip habang naaresto rin ang kanyang lalaking kostumer.

Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 10364 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012, kasama ng iba pang posibleng kaso.

Ayon kay NBI Director Atty. Melvin A. Matibag, patuloy nilang paiigtingin ang operasyon laban sa human trafficking at pagsasamantala sa mga bata. Aniya, “Human trafficking is a cruel assault on human dignity, especially when the victims are minors who are robbed of their innocence and future.”