Calendar
Luistro: Komite sinunod desisyo ng Korte Suprema
SINABI ni House Committee on Justice chair na si Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas noong Lunes na muling binuo ang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Z. Duterte batay sa tamang proseso at ebidensya matapos pigilan ng Korte Suprema (SC) ang naunang proseso.
Si Luistro, na siyang chair ng House Committee on Justice, ay nagpahayag nito sa kanyang sponsorship speech para sa Committee Report No. 261 at House Resolution No. 989, na naglalaman ng Articles of Impeachment laban kay Duterte.
“Mr. Speaker, simple lamang ang hinihingi ng pagkakataong ito sa atin: Sundin natin ang Konstitusyon,” ani Luistro.“Nothing more. Nothing less,” dagdag pa niya.
Ipinadala ng House Justice Committee sa plenaryo ang kanilang ulat, resolusyon, at Articles of Impeachment matapos suriin ang mga rekord, pakinggan ang mga argumento, at pagsamahin ang mga batayang inilahad sa mga reklamong impeachment laban kay Duterte.
Iginiit ni Luistro na hindi hinihingi sa Kamara sa yugtong ito na hatulan si Duterte, kundi magpasya lamang kung sapat ang mga alegasyon at rekord upang magsagawa ng paglilitis sa Senado.
“Hindi po kami narito upang humatol ng pagkakasala. Hindi rin kami narito upang magparusa,” paglilinaw ni Luistro.
“Ang tanong lamang na nasa harap natin ngayon ay ito: May sapat bang dahilan upang ipagpatuloy ang paglilitis sa Senado?” dagdag niya.
Binanggit ni Luistro ang naunang impeachment proceedings na nakakuha ng 215 boto sa Kamara bago namagitan ang Korte Suprema.
“Noong nakaraang impeachment proceedings, mayroon nang sapat na numero. Dalawandaan at labinlimang kasapi (215) ng Kapulungang ito ang bumoto upang isulong ang impeachment,” paggunita ni Luistro.
“Isa iyon sa pinakamalalaking bilang sa kasaysayan ng ating Kongreso,” dagdag niya.
Ayon sa lider ng Kamara mula Batangas, malinaw ang mensahe ng Korte Suprema na dapat sundin ng Kamara ang tamang prosesong konstitusyonal.
“At mahalagang linawin kung ano ang tunay na sinabi ng Korte Suprema,” paliwanag ni Luistro.
“Hindi nila sinabi na walang dapat sagutin. Hindi nila sinabi na walang kailangang ipaliwanag. Hindi nila sinabi na bawal nang magkaroon muli ng impeachment proceedings,” dagdag niya.
Binigyang-diin ni Luistro na seryosong isinasaalang-alang ng komite ang desisyon ng Korte Suprema sa pagsasagawa ng bagong proceedings.
“Ang sinabi ng Korte Suprema ay ito: Kung gagawin natin ito, gawin natin nang tama,” ani Luistro.“Sundin natin ang proseso. Sundin natin ang Konstitusyon,” dagdag niya.
Ayon kay Luistro, higit pa sa dami ng boto ang usapin sa Kamara; ang mas mahalaga ay kung matibay sa pagsusuri ang proseso at ebidensyang ginamit ng komite.
“Kaya ang tunay na tanong ngayon ay hindi lamang kung may numero tayo,” pahayag ni Luistro.
“Ang mas mahalagang tanong ay ito: Sinunod ba natin ang proseso? At higit sa lahat, meron ba tayong ebidensya?” dagdag niya.
Iginiit ni Luistro na naging maingat, bukas, at patas ang mga pagdinig ng komite, kabilang na sa mga tumututol sa impeachment.
“Proseso at ebidensya. Iyan ang pundasyon ng bawat makatarungang lipunan,” ani Luistro.
“Sa proseso: naging maingat tayo. Hindi tayo nagmadali. Sinunod natin ang one-year bar rule. Binigyan natin ng pagkakataon ang bawat panig,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Luistro na isinagawa nang malinaw at transparent ang mga pagdinig at binigyan ng pagkakataon ang lahat ng panig na ihayag ang kanilang mga legal na argumento.
“Ang mga pagdinig ay isinagawa nang hayagan, naka-livestream, at bukas sa taumbayan,” ayon kay Luistro.
“At higit sa lahat, pinakinggan natin maging ang mga tumututol sa impeachment. Pinakinggan natin ang bawat manifestation, bawat argumento, bawat legal na punto,” dagdag niya.
Ayon pa sa kanya, hindi naghahanap ng madaling paraan ang komite kundi ng matibay at maipagtatanggol na landas na naaayon sa Konstitusyon.
“Hindi tayo naghanap ng shortcut,” diin ni Luistro.
“Naghanap tayo ng katotohanan,” dagdag niya.
Sinabi ni Luistro na natapos ng komite ang trabaho nito matapos suriin ang mga rekord at subukin ang mga argumento.
“We examined the evidence. We tested the arguments. We listened to every side. We placed everything on the record,” ani Luistro.
“At ngayon, ang desisyon ay nasa kamay na ng buong House of Representatives,” dagdag niya.

