Calendar
Bakanteng upuan humarap sa House Committee on Justice
SINABI ni HOUSE Committee on Justice chair Atty. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ng Batangas noong Lunes na isang “bakanteng upuan” ang humarap sa House Committee on Justice sa panahon ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Z. Duterte.
Binigyang-diin niya na hindi personal na humarap ang Bise Presidente upang sagutin ang mabibigat na alegasyon laban sa kanya kahit sinusuri ng komite ang mga depensang iniharap ng kanyang kampo.
Inilahad ito ni Luistro, chair ng House Committee on Justice, sa kanyang sponsorship speech para sa Committee Report No. 261 at House Resolution No. 989 na naglalaman ng Articles of Impeachment laban kay Duterte.
“At sa kabila ng lahat ng ito, isang bakanteng upuan ang humarap sa Committee on Justice. Hindi dumalo ang Bise Presidente upang personal na sagutin ang mga isyung ibinabato laban sa kanya,” ani Luistro.
Nauna nang natukoy ng Justice Committee na may probable cause upang ituloy ang impeachment matapos repasuhin ang mga rekord at testimonya kaugnay ng mga alegasyon sa confidential funds, mga transaksyon at ari-ariang nangangailangan umano ng paliwanag, umano’y panunuhol, at umano’y pagbabanta.
Sinabi ni Luistro sa plenaryo na ang proceedings ay hindi upang hatulan o parusahan si Duterte sa antas ng Kamara, kundi upang alamin kung may sapat na batayan upang ituloy ang paglilitis sa Senado.
“Hindi po kami narito upang humatol ng pagkakasala. Hindi rin kami narito upang magparusa,” paglilinaw ni Luistro.
“Ang tanong lamang na nasa harap natin ngayon ay ito: May sapat bang dahilan upang ipagpatuloy ang paglilitis sa Senado?” dagdag niya.
Ayon sa lider ng Kamara mula Batangas, isinasaalang-alang pa rin ng komite ang mga depensang inilahad ng kampo ni Duterte kahit hindi ito dumalo sa mga pagdinig.
“Ngunit sa ating sistema, ang mga seryosong alegasyon ay kailangang sagutin sa pamamagitan ng ebidensya at testimonya sa ilalim ng panunumpa. Gayunpaman, kahit wala siya sa pagdinig, pinag-aralan pa rin ng Committee on Justice ang bawat depensang inilabas ng kanyang kampo,” ani Luistro.
Binigyang-diin ni Luistro na nakabatay ang trabaho ng komite sa mahabang proseso at hindi sa ingay ng publiko o galit sa pulitika.
“Hawak po natin ngayon ang bunga ng mahabang proseso. Hindi ito nabuo sa isang gabi. Hindi ito produkto ng tsismis, galit, o sigaw sa social media,” paliwanag ni Luistro.
Inisa-isa ng chair ng Justice Committee ang lawak ng mga rekord na sinuri ng komite bago ito nagkaisang magpasya na may probable cause.
“Committee Report, 52 pages. House Resolution, 18 pages. Articles of Impeachment, 23 pages,” pahayag ni Luistro.
“At lampas pa rito ay libu-libong pahina ng annexes, records, certifications, testimonya, financial documents, at deliberations na masusing pinag-aralan ng Committee on Justice,” dagdag niya.
Sinabi ni Luistro na maingat na sinuri ng komite ang mga rekord at binigyan ang magkabilang panig ng pagkakataong marinig sa pamamagitan ng proseso.
“We examined the evidence. We tested the arguments. We listened to every side. We placed everything on the record,” ani Luistro.
Ayon kay Luistro, hindi agad nagkaisa ang komite sa simula, ngunit ang mga ebidensya at testimonya ang nagdala sa mga miyembro sa iisang konklusyon.
“At mahalagang tandaan: Hindi nagsimula ang Komite na magkakapareho ang pananaw. Marami ang nagtanong. Marami ang nagduda. Marami ang nais munang makumbinsi,” ani Luistro.
Sinabi niya na habang dumarami ang mga dokumento at testimonya, naging malinaw na may mga tanong na hindi na maaaring balewalain ng Kamara.
“Ngunit habang dumarating ang mga dokumento, habang lumalabas ang testimonya, habang nabubuo ang kabuuang larawan, unti-unting luminaw ang isang bagay,” ani Luistro.
“May mga tanong na hindi na maaaring iwasan. May mga isyung hindi na maaaring ipagkibit-balikat. May mga bagay na kailangan nang harapin ng buong bansa,” dagdag niya.

