Pista

Pista ng Jaen 1,468 katao nakinabang

Steve A. Gosuico May 11, 2026
44 Views

JaenJAEN, Nueva Ecija–Nasa 1,468 na residente ang nakinabang sa public service caravan ng pamahalaang bayan noong pista ng bayan nitong Lunes.

Nanguna sa people’s caravan si Mayor Sylvester Austria na sabay-sabay ginanap sa simbahan ng Parokya ng San Agustin, Pamacpacan Elementary School, Ulanin-Pitak Elementary School at Sto. Tomas North Elementary School.

Binubuo ang caravan ng libreng medikal at dental mission, eye check-up, libreng tuli, libreng masahe, gupit, manicure at pedicure at libreng salamin sa mata.

Ayon kay Mayor Austria, ipinatupad ito ng kanyang administrasyon sa pakikipagtulungan ng Parokya ng San Agustin at sa Panlalawigang Pamahalaan sa pangunguna nina Rev. Fr. Jeffrey P. Allarilla at Gob. Aurelio Umali.

Ang programa ay naglalayong ilapit ang mga mahahalagang serbisyong pangkalusugan sa mga tao habang binibigyang halaga rin ang tunay na diwa ng pagdiriwang ng pista.

May kabuuang 1,468 na benepisyaryo ang nabigyan ng libreng serbisyo sa aktibidad.

Sa konsultasyon at check up medikal 174 ang nakinabang; bunot ng ngipin (276); pamamahagi ng gamot at bitamina (577); tuli (98); manicure/pedicure (60); gupit (91); masahe (91); check-up sa mata (65), at salamin sa mata (36).