Adiong

Adiong sa mga senador: Pasagutin VP Sara, dinggin ang ebidensiya

42 Views

NANAWAGAN noong Biyernes si House Committee on Suffrage and Electoral Reforms chair Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur sa mga senador na tanggihan ang anumang tangkang wakasan ang impeachment case laban kay Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte sa pamamagitan ng teknikalidad, procedural shortcut, o motion to dismiss bago pa marinig ng Senado ang ebidensiya sa isang bukas na paglilitis.

Inihain ni Alonto Adiong, na isa ring House Assistant Majority Leader, ang panawagang ito matapos banggitin sa liham ni Senate President Alan Peter Cayetano noong Mayo 14 kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang pagpupulong ng impeachment court, ngunit walang malinaw na katiyakan o pagtukoy sa aktuwal na pagsisimula ng buong paglilitis kung saan ihaharap at susuriin ang mga ebidensiya.

“Ang tungkuling konstitusyonal ng Senado ay ituloy ang paglilitis at tanggapin ang ebidensiya bago maglabas ng hatol,” ani Alonto Adiong. “May seryosong pangamba ngayon na baka ang impeachment trial ay mauwi sa dismissal o ma-remand pabalik sa Kamara bago pa marinig ang ebidensiya.”

“Iyan ay malaking kawalan ng hustisya para sa publiko, lalo na’t nagampanan na ng Kamara ang tungkulin nito sa ilalim ng Konstitusyon,” dagdag niya.

Sa kanyang liham kay Dy, isinulat ni Cayetano na ang Senado ay “nagsagawa ng wastong aksiyon ukol sa impeachment at agad itong isasaalang-alang” alinsunod sa Article XI, Section 3 ng Konstitusyon.

Nakasaad din sa liham na ipinag-utos nang isama ang Articles of Impeachment sa Calendar for Ordinary Business upang maipasa ito sa Impeachment Court, na “magtitipon sa 18 Mayo 2026, alas-3:00 ng hapon, o sa pinakamaagang posibleng oras, kung walang anumang katanungan hinggil sa mga patakaran at proseso kaugnay ng ipinadalang Articles.”

“Sa tuwing nagsasalita si SP Cayetano, sinasabi niyang agad magko-convene ang Senado bilang impeachment court. Pero hindi pa natin malinaw na naririnig kung kailan nila sisimulan ang trial, kailan maririnig ang ebidensiya, at kung tatanggihan ba nila ang anumang motion to dismiss nang hindi muna dinidinig ang kaso,” pahayag ni Alonto Adiong.

Ayon kay Alonto Adiong, mahalaga ang pagkakaibang ito dahil ang pagpupulong ng impeachment court ay simula pa lamang ng tungkuling konstitusyonal ng Senado. Ang tunay na sukatan ng pananagutan ay kung papayagan ng mga senador ang prosekusyon at depensa na maglahad ng ebidensiya bago isaalang-alang ang anumang mosyon para sa dismissal o remand.

Bumoto ang House of Representatives ng 257-25-9 upang aprubahan ang Articles of Impeachment laban kay Duterte, na lampas sa one-third constitutional requirement upang maipadala ang kaso sa Senado para sa paglilitis.

Saklaw ng Articles of Impeachment ang mga alegasyon kaugnay ng umano’y maling paggamit at iregular na liquidation ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, umano’y panunuhol sa mga opisyal ng edukasyon, at umano’y pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez.

“Hindi dapat tanggapin ng Senado ang motion to dismiss nang walang pagdinig. Kung may gustong magkuwestiyon, gawin nila ito sa tamang proseso, pero huwag nilang patayin ang kaso sa technicalities bago pa maiharap ang ebidensiya,” diin ni Alonto Adiong.

Sinabi rin ni Alonto Adiong na ang katagang “absent any question on the rules and procedure relating to the transmitted Articles” ay nagdulot ng pangamba dahil maaaring gamitin ito upang maghain ng procedural challenges na maaaring makasagabal sa kaso bago pa man matalakay ng Senado ang mismong nilalaman ng mga akusasyon.

Binigyang-diin niya na ang estruktura ng impeachment sa ilalim ng Konstitusyon ay nagbibigay sa Kamara ng eksklusibong kapangyarihang mag-impeach at sa Senado naman ng tungkuling litisin at magpasya. Dahil dito, mahalagang hindi gamitin ng mataas na kapulungan ang proseso bilang kapalit ng aktuwal na paglilitis.

Dagdag pa niya, may karapatan ang publiko na makita kung mapatutunayan o mapapabulaanan ang mga alegasyon, lalo na’t paulit-ulit na iginiit ng kampo ni Duterte na handa siyang sagutin ang kaso sa tamang forum.

Ayon kay Alonto Adiong, anumang hakbang na ibasura o ibalik sa Kamara ang Articles of Impeachment nang walang tunay na pagdinig ay lalo lamang magpapalalim sa hinala ng publiko na ang pagbabago sa liderato ng Senado ay ginawa upang pahinain ang pananagutan at hadlangan ang Bise Presidente na harapin ang mga ebidensiya.

“Sa puntong ito, kailangang maging maingat ang Senado dahil nakatingin ang buong bansa. Hindi sila dapat mag-convene lamang upang pigilan ang trial, kundi upang simulan ito,” aniya.

Hinimok ni Alonto Adiong si Cayetano at ang majority bloc na malinaw na mangakong diringgin ng impeachment court ang nilalaman ng kaso at hindi papayagan ang anumang procedural maneuver upang ibaon ang paglilitis bago pa ito magsimula.

“Simple lang ang aming panawagan: dinggin ang kaso, tanggapin ang ebidensiya, at hayaang masubok ang katotohanan sa harap ng publiko. Anumang mas mababa rito ay magmumukhang pagtakas sa pananagutan,” ani Alonto Adiong.