Cayetano

Sen. Pia umaming natakot sa putukan sa Senado

47 Views

SINABI ni Senadora Pia Cayetano na hindi umano nag-alok ng tulong si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag nang humingi ng assistance ang mga senador na nasa opisina ni Senate President Alan Peter Cayetano habang may nagaganap na putukan sa Senado noong Mayo 13.

Sa kanyang Facebook Live statement, sinabi ni Cayetano na isinasalaysay niya lamang ang personal niyang naranasan sa loob ng silid ng Senate President, habang nagpaalala sa publiko na mag-ingat sa hearsay, theories at unverified claims tungkol sa insidente.

“Ako naman, my first-hand knowledge is what happened inside the room of the Senate President kung nasan ako. I cannot speak of what happened outside dahil wala ako doon,” ani Cayetano.

Sinabi niya na nasa opisina ng Senate President ang mga senador para sa caucus tungkol sa committee assignments at impeachment process nang makarinig sila ng putok.

Sa simula, sinabi ni Cayetano na inakala nilang paputok lamang ang narinig.

“Nung nakarinig kami ng putukan, akala pa namin at first, paputok meaning fireworks. Sino ba naman mag-iisip in your normal life? You won’t really think na may nagbabarilan sa tabi mo,” sabi niya.

Nang maging malinaw na delikado ang sitwasyon, sinabi ni Cayetano na pinayuhan silang patayin ang mga ilaw.

Ayon sa kanya, tumawag si Senate President Pro Tempore Loren Legarda kay Interior Secretary Jonvic Remulla at kay Matibag habang humihingi ang grupo ng tulong.

Sinabi ni Cayetano na sinabi ni Legarda kay Matibag na may naririnig silang putukan malapit sa kanila at humingi ito ng assistance.

“Sabi niya, Melvin, nagbabarilan na dito, pumuputok na dito. Anong gagawin mo? Tulungan mo kami,” paggunita ni Cayetano.

Ayon kay Cayetano, ang naging tugon umano ni Matibag ay wala ang NBI doon at wala silang magagawa.

“Wala akong magawa. Wala ako dyan. Wala kami dyan. Inalis kami dyan,” ani Cayetano, batay sa kanyang paggunita sa sinabi ni Matibag.

Sinabi niya na natakot at nadismaya siya sa tugon dahil humihingi sila ng tulong habang may emergency.

“I may be a senator, but I’m a human being. I’m a woman, I’m a mother, may mga anak ako. And in those circumstances, I was scared,” ani Cayetano.

Sinabi niya na sinabihan niya si Matibag na “do your job,” ngunit sinagot umano siya nito ng, “Wag mo ’ko sigawan.”

Ikinumpara ni Cayetano ang umano’y tugon ni Matibag sa naging tugon ni Remulla, na aniya ay agad nagsabing pupunta siya.

“Tinawagan namin si Secretary Remulla. Sagot niya sa amin, ‘I’ll be there, ma’am. I’ll be there. I will be there. Don’t worry,’” sabi niya.

Sinabi rin niya na tumulong si Transportation Secretary Vince Dizon, na tinawagan niya bilang kaibigan at kapwa opisyal ng gobyerno, sa pamamagitan ng paggawa ng mga tawag. Ayon kay Cayetano, tumawag muli si Dizon at sinabing nais kausapin ng Pangulo ang Senate President.

Kinuwestiyon din ni Cayetano ang mga pahayag ni Matibag na walang tauhan ang NBI sa Senado, matapos nitong sabihin kalaunan na may NBI personnel sa panig ng Government Service Insurance System dahil sa hiling ng GSIS officials.

Sinabi niya na ang Senado at GSIS ay bahagi ng iisang konektadong complex, at umuupa ang mga senador ng opisina sa GSIS building.

“Magkadugtong mga kababayan. Magkadugtong ang building namin. Walang pagitan,” ani Cayetano.

“Magkadugtong ang building namin kasi kaming senators, nag-lease kami, nag-rerent kami sa GSIS. It is one complex,” dagdag niya.

Sinabi ni Cayetano na ang address mismo ng Senado ay Finance Center, GSIS Building.

Ayon sa senadora, hindi dapat palabasin ng NBI na malayo sa Senado ang mga tauhan nito kung ang mga ito ay nasa GSIS side ng parehong complex.

“Kung sasabihin ni NBI Director, wala siyang tao sa Senate. Pero meron siya sa GSIS. Saan? Sa baba ng balkonahe ko? O sa dulo ng building ko?” ani Cayetano.

Sinabi ni Cayetano na kung nais tumulong ni Matibag, maaari nitong sabihin na may NBI personnel sa GSIS dahil humingi ng security assistance si GSIS President and General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso, at maaaring tumulong ang mga ito.

Nauna nang sinabi ni Matibag na nasa GSIS side ang NBI personnel dahil sa hiling ng GSIS officials.

Sinabi ni Cayetano na isa sa pangunahing crime investigation agencies ng bansa ang hindi umano tumulong nang humingi ng assistance ang dalawang babaeng senador, at pinalabas umano ni Matibag na walang tauhan ang NBI malapit sa Senado kahit nasa parehong compound ang mga ito.

Sinabi ni Cayetano na nais niyang magbigay-linaw sa isyu at hinimok ang publiko na umasa sa credible sources at firsthand accounts.

Sinabi rin niya na magpapatuloy ang trabaho ng Senado sa kabila ng kontrobersiya, kabilang ang impeachment process.

“But our work now includes impeachment. We’ll do our job. We’ll go through the process,” ani Cayetano.

Itinanggi rin niya ang teorya na sabay-sabay na nag-live ang ilang opisyal upang guluhin o ma-jam ang communication lines.

“To conclude na may conspiracy theory to jam the lines by going on live simultaneously, what a joke,” sabi niya.

Hinimok ni Cayetano ang publiko na patuloy na subaybayan ang balita, ngunit huwag pabayaan ang kanilang pang-araw-araw na tungkulin.

“Inasmuch as there’s a lot of interest in what happened and the truth should come out, go through your life. Do your job. Handle your work. Take care of your family,” ani Cayetano.