Tulfo2

Tulfo muling nanawagang ipasa Magna Carta for Workers in the Media and News Industry Act

31 Views

ITINURING ni Senador Erwin Tulfo na “tahasang pagsasawalang-bahala” sa mga mamamahayag na araw-araw nagsasakripisyo ng kanilang buhay para sa kakarampot na benepisyo at walang katiyakang kaligtasan, muling isinusulong ni Senador Erwin Tulfo ang pagpasa ng Media Workers’ Magna Carta kasunod ng naganap na barilan sa Senado kamakailan.

Ikinabahala ng veteran broadcaster turned senator ang sinapit ng mga reporter na nagko-cover sa Mataas na Kapulungan nang sumiklab ang karahasan noong Mayo 13.

“Malaki ang papel na ginagampanan ng mga mamamahayag sa paglalabas ng katotohanan kung ano ang tunay na nangyari sa barilan. Sino ba ang unang nagpaputok?” ani Tulfo sa isang panayam sa radyo.

Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente, ikinatwiran ng senador: “Dapat ay hinayaan ng mga awtoridad sa pinangyarihan ang mga reporter at cameraman na mag-cover sa lugar.”

“Magsisilbi itong patunay na sumunod sa protocol ang mga security at law enforcement unit. Proteksyon din nila ito para sa kanila dahil kapag nalaman na may presensya ng media, magdadalawang-isip silang magpaputok ng baril,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Tulfo na karamihan sa mga tauhan ng media na naipit sa putukan ay nakatalaga sa Senate beat at walang sapat na pagsasanay sa police o combat reporting.

“Halimbawa, ang Senate media ay hindi sanay sa mga ganitong uri ng barilan. Tiyak na na-trauma sila—nakarinig pa nga tayo ng ilang reporter na umiiyak habang nagbabalita nang live. Ganoon katindi ang panganib na hinarap nila sa mga sandaling iyon,” patuloy ni Sen. Erwin.

Dahil dito, muling itinulak ng senador na ipaasa na ang Senate Bill No. 249, o ang “Magna Carta for Workers in the Media and News Industry Act,” isa sa kanyang top 20 priority measures.

Layunin ng panukalang batas ni Tulfo na gawing pamantayan ang minimum na sahod, overtime at night shift differential pay, security of tenure, hazard allowance, at mga benepisyo sa insurance, bukod sa iba pa, para sa mga manggagawa sa media.

“Ang panukalang ito ay hindi lamang tungkol sa pagpapabuti ng pangkabuhayang aspeto ng mga mamamahayag, kundi pagkilala rin ito sa kanilang dignidad at karapatan habang sila ay nasa frontline upang ipaglaban ang malayanh pamamahayag,” pahayag ni Tulfo.

“Ang insidente noong Mayo 13 sa Senado na nagbanta sa kaligtasan ng mga Pilipinong reporter ay isa lamang sa mga pang-araw-araw na pakikibakang kinakaharap nila. Ibigay natin sa kanila ang kabayaran at suporta na nararapat para sa kanila,” pagtatapos ng mambabatas.