Dy

Dy sumabay yumugyog sa sayaw na “Hawak Mo ang Beat”

Mar Rodriguez May 17, 2026
30 Views

Dy1

HINDI nagpahuli sa uso si House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III matapos itong umindak na “Hawak Mo ang Beat” dance craze bilang simpleng pamamaraan ng pasasalamat sa pamunuan ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Bago naganap ang pag-indak ni Speaker Dy, binigyang diin ng House leader ang matibay na pakikipag-tulungan ng Kamara de Representantes at DAR upang patuloy na msuportahan ang mga magsasaka matapos itong dumalo sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARB) Summit 2026 ng DAR Region II.

Ginanap ang nasabing okasyon sa Ilagan, kung saan kasama ni Speaker Dy sina DAR Secretary Conrado Estrella III, Isabela Governor Rodito Albano III, LPGMA Party List Rep. Allan Ty, Ilagan City Mayor Jay Diza at iba pang opisyal mula sa Region II.

Sa kaniyang mensahe, binigyang linaw ni Dy ang mahalagang papel ng Kamara de Representantes bilang katuwang ng DAR sa pagpapatupad ng mga programang direktang tumutulong sa mga agrarian reform beneficiaries o ang mga mahihirap na magsasaka.

“Bilang katuwang ninyo. Ang Kamara, ang kapulungan ng mga kinatawan sa buong bansa ay maasahan ninyong katuwang ng mga magsasaka. Lalo ka kay Secretary Estrella, kami ay naririto at patuloy na makikipag-ugnayan para masuportahan natin ang inyong mga programa para sa mga magsasaka,” ani Speaker Dy.

Kabilang sa mga pangunahing aktibidad ng ginanap na summit ang pamamahagi ng mga makinaryang pang-agrikultura at iba pang uri ng suporta na naglalayong mapalakas ang produksiyon at kabuhayan ng mga magsasaka sa rehiyon.

Binisita din ng House Speaker ang mga booth na tampok ang iba’t-ibang lokal na produkto mula sa probinsiya ng Region II. Nakiisa rin ito sa isang “boodle fight” kasama ang mga kawani ng DAR at mga lokal na opisyal ng Ilagan City.