Calendar
Mga lider ng Caritas Ph sumuporta sa panawagan ng CBCP para sa impeachment trial
HAYAGANG nanawagan noong Linggo ang mga obispong Katoliko at mga lider ng simbahan sa ilalim ng Caritas Philippines sa Senado na agad ituloy ang impeachment trial ni Bise Presidente Sara Z. Duterte, babala nila na anumang pagkaantala ay magpapahina sa paghahari ng batas at magpapabalam sa pagkamit ng hustisya para sa sambayanang Pilipino.
Sa isang pahayag na nilagdaan ng 165 obispo, pari, at mga lider ng simbahan mula sa iba’t ibang panig ng bansa, sinuportahan ng mga kasapi ng Caritas Philippines Social Action Network ang panawagan ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president at Lipa Archbishop Gilbert Garcera na tuparin ng Senado ang tungkulin nito sa ilalim ng Konstitusyon at agad magtipon bilang impeachment court.
“Nananawagan kami sa mga miyembro ng Senado na sundin ang itinatakda ng Konstitusyon: ituloy ang paglilitis at pairalin ang rule of law at pagsilbihan ang kabutihang panlahat sa paghahangad ng hustisya at katotohanan,” ayon sa pahayag.
“Ginagawa namin ang agarang panawagang ito na huwag nang ipagpaliban ang paglilitis at agad buuin ang Senado bilang impeachment court sa lalong madaling panahon. Ang pagkaantala sa paglilitis ay pagkaantala rin ng hustisya para sa sambayanang Pilipino at maging sa Bise Presidente,” dagdag pa nito.
Ang Caritas Philippines ang social action arm ng CBCP at nagsisilbing pambansang network ng Simbahan para sa mga programang makatao, katarungan, at adbokasiyang panlipunan.
Pinangunahan ang pahayag ni Caritas Philippines president Bishop Gerardo A. Alminaza at nilagdaan ng dose-dosenang mga obispo at pari mula sa iba’t ibang diyosesis at arkidiyosesis sa bansa, kabilang sina Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Cebu Archbishop Alberto Uy, Novaliches Bishop Roberto Gaa, at Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara.
Ayon sa mga lider Katoliko, mas naging mahalaga ngayon para sa mga Pilipino na manatiling mapagmatyag sa pangangalaga sa mga demokratikong institusyon at sa pagpapatibay ng paghahari ng batas dahil sa mga kamakailang kaganapan sa Senado.
“Sa ating kapwa Pilipino, tuparin natin ang ating mga tungkuling sibiko at pananagutan sa pamamagitan ng pagtiyak ng isang patas at kapani-paniwalang paglilitis upang makita at marinig ng lahat ang malinaw at beripikadong mga ebidensiya at argumento,” ayon sa pahayag.
“Kailangan din nating manatiling mapagmatyag sa pagsubaybay sa mga proseso. Sa ganitong paraan, itinataguyod natin ang katotohanan, pinangangalagaan ang integridad ng pampublikong diskurso, at pinatitibay ang ating bansa laban sa maling impormasyon, disinformation, at manipulasyon,” dagdag pa nito.
Nanawagan din ang grupo sa mga Pilipino, anuman ang relihiyon o partidong kinabibilangan, na mapayapang magsagawa ng mga aktibidad bilang suporta sa katotohanan, hustisya, at demokratikong pananagutan.
Iniugnay rin sa pahayag ang usapin ng impeachment sa mas malawak na suliraning pambansa, kabilang ang umano’y iskandalo ng korapsyon sa flood control projects, imbestigasyon ng International Criminal Court sa drug war, panukalang batas laban sa political dynasty, at epekto sa ekonomiya ng sigalot sa Middle East.
“Marami tayong pinagdaanang hamon at krisis nitong mga nakaraang taon,” ayon sa pahayag, na sumipi sa yumaong si Pope Francis: “Upang mas maging mabuti matapos ang isang krisis, kailangan nating makakita nang malinaw, pumili nang tama, at kumilos nang wasto.”
Hinimok din ng mga lider ng simbahan ang mga Pilipino na tanggihan ang “pagkakahati-hati, panlilinlang, poot, at kawalang-pakialam” at sa halip ay maging “isang sambayanang hinubog ng katotohanan, ginagabayan ng konsensiya, at nagkakaisa sa pagmamahal sa Diyos at bayan.”

