Nakaw Source: QCPD-PIO

Lalaki nagsinungaling sa pagnenok ng P2K diesel, buking

25 Views

Nakaw1

Nakaw2
Source: QCPD-PIO

KALABOSO ang isang 28-anyos na lalaki matapos umanong magnakaw ng diesel sa loob ng isang compound sa Payatas, Quezon City.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang naarestong suspek na si alias “Bernard,” residente rin ng naturang barangay.

Sa ulat ng Payatas-Bagong Silangan Police Station 13, nagsasagawa ng mobile patrol ang mga pulis dakong alas-7:20 ng gabi noong Mayo 17 sa Payatas Road nang mapansin nila ang suspek na palihim na lumalabas sa garahe ng Villa Gracia Compound habang may bitbit na gallon container.

Dahil sa kahina-hinalang kilos nito, agad siyang hinarang at inusisa ng mga operatiba bago dinala sa barangay para sa beripikasyon.

Depensa umano ng suspek, inutusan siya ng pamangkin ng may-ari na kumuha ng diesel mula sa tangke ng sasakyan para gamitin sa backhoe operation.

Gayunman, nang beripikahin ng mga awtoridad, mariing itinanggi ng may-ari at ng kanyang pamangkin ang naturang alegasyon at sinabing wala nang kaugnayan ang suspek sa kanilang kumpanya.

Dito na tuluyang inaresto ang suspek dakong alas-8:30 ng gabi.

Nakumpiska mula sa kanya ang isang gallon container na may lamang 20 litro ng diesel na nagkakahalaga ng P2,000.

Mahaharap ngayon ang suspek sa kasong theft sa Quezon City Prosecutor’s Office.