Bam Aquino

Senado hinimok tutukan problema ng mga Pilipino upang tiwala ng publiko bumalik

33 Views

IGINIIT ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV na dapat bumalik sa trabaho ang Senado at tutukan ang mga problemang kinahaharap ng mga Pilipino upang maibalik ang tiwala ng publiko matapos masira ang imahe ng institusyon dahil sa mga pangyayari kamakailan.

Sinabi ni Aquino na nakaapekto sa tingin ng publiko sa Senado ang pagpapalit ng liderato at ang insidente ng pamamaril sa loob ng Senado.

“Sa gitna ng mga kaguluhan, naghihirap pa rin ang taumbayan sa mataas na presyo ng gasolina at bilihin, hindi pa rin tumataas ang suweldo, at bagsak pa rin ang ating ekonomiya,” pahayag ni Aquino.

Nauna nang naghain si Aquino ng Senate Resolution No. 397 na naglalayong imbestigahan ang insidente ng pamamaril sa loob ng Senado.

Ayon kay Aquino, dapat tutukan ng mga senador ang kawalan ng trabaho, mataas na presyo ng bilihin, at iba pang pasanin ng ordinaryong Pilipino.

“Ang tanging paraan para maibalik ang tiwala ng taumbayan ay gawin namin ang aming trabaho para matugunan ang kawalan ng trabaho, mahal na halaga ng bilihin, at iba pang pasanin ng ating mga kababayan,” sabi niya.

Sinabi ni Aquino na dapat talakayin ng Senado ang mga panukalang mag-aalis ng value-added tax sa fuel at magbababa ng VAT mula 12 percent tungo sa 10 percent upang makatulong sa pagpapababa ng presyo ng mga bilihin at produktong petrolyo.

Inihain niya ang Senate Bill No. 2047 na naglalayong ibaba ang VAT sa mga produkto at serbisyo, kabilang ang produktong petrolyo. Ayon kay Aquino, maaari itong magsilbing medium- at long-term na proteksyon para sa middle class laban sa epekto ng krisis sa Middle East at iba pang susunod na krisis.

Inihain din ni Aquino ang Senate Bill No. 265 na naglalayong alisin ang excise taxes sa diesel, kerosene, liquefied petroleum gas, fuel oil, at unleaded gasoline sa ilalim ng TRAIN Law.

Nagpahayag din si Aquino ng suporta kay Senate President Pro Tempore Loren Legarda bilang bagong chairperson ng Senate Committee on Basic Education, na dati niyang pinamunuan noong bahagi pa siya ng mayorya.

“She’s been working in the education space for a long time and she asked me to be vice chairman. I told her our office will turn over all the research, all the studies, all the bills that we’ve prepared, and I hope that she will continue what we started,” pahayag ni Aquino.

Sinabi ni Aquino na umaasa siyang ipagpapatuloy ni Legarda ang pagpapalakas ng pondo para sa edukasyon.

“Dapat madagdagan pa ang budget ng edukasyon sa susunod na taon,” sabi niya.

Iginiit niya na kailangang sapat ang pondo para maisakatuparan at maging epektibo ang mga reporma sa edukasyon.

Kabilang sa mga panukalang natalakay noon sa komiteng pinamunuan ni Aquino ang Class-Building Acceleration Program Act, na naglalayong makatulong sa pagtugon sa 166,000-classroom backlog sa bansa.

Sa ilalim ng panukala, pinapayagan ang local government units at qualified non-government organizations na magtayo ng mga silid-aralan sa kanilang mga lugar, alinsunod sa standards at guidelines ng Department of Education.

Sinabi rin ni Aquino na naghihintay na lamang ng pirma ng Pangulo ang kanyang itinaguyod na Establishing Geographically Isolated and Disadvantaged Areas and Last Mile Schools Act at Curriculum Flexibility Act.

Naaprubahan din sa ikatlo at huling pagbasa ang Basic Education Voucher Program Act, habang nakahanay naman sana para sa sponsorship ang National Nutrition Program Act.