Hot News

Mabanta ‘nakaiwas’ sa media, plea sa arraignment walang detalye

Arlene Rivera May 21, 2026
35 Views

Ang founder ng political content creator na Peanut Gallery Media Network (PGMN) na si Franco Mabanta ay humarap sa Pasig Regional Trial Court (RTC) nitong Huwebes, Mayo 21, para sa arraignment kaugnay ng kasong robbery-extortion na isinampa ng kampo ng dating House Speaker at Leyte Representative na si Martin Romualdez.

Dumating si Mabanta sa RTC Branch 152 sa Pasig City bandang alas-8 ng umaga, nakasuot ng kulay-abong suit at kasama ang kanyang legal counsel.

Tumagal nang halos dalawang oras ang arraignment at natapos pasado alas-10 ng umaga.

Gayunman, walang detalye tungkol sa naging plea ni Mabanta ang ibinahagi sa media dahil hindi pinayagang makapasok ang mga mamamahayag sa loob ng korte.

Hindi rin nagbigay ng pahayag ang kanyang legal team matapos ang pagdinig.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya ang mga miyembro ng media matapos maghintay nang ilang oras nang walang update tungkol sa nangyari sa arraignment.

Kaagad umanong umiwas si Mabanta at ang kanyang grupo sa media pagkatapos ng pagdinig at lumabas ng courthouse nang hindi dumadaan sa pangunahing entrada kung saan nakaabang ang mga mamamahayag.

Ayon sa isang security guard ng Pasig RTC, dumaan si Mabanta sa holding area na karaniwang ginagamit ng mga detenido matapos ang kanilang hearing.

“Nag-radio sa amin na lumabas na ‘yung subject (Mabanta) tapos dumaan pala sa holding area kung saan lumalabas ‘yung mga preso kapag tapos na ‘yung hearing nila, nagulat din kami na dun siya dumaan siguro tinatakasan ‘yung mga miyembro ng media,” ayon sa guwardiya na tumangging magpakilala.

Samantala, si Atty. Elaine Atienza, tagapagsalita ni Romualdez, ay pansamantalang humarap sa mga mamamahayag ngunit tumangging talakayin ang nilalaman ng pagdinig dahil nagpapatuloy pa ang paglilitis.

“Hindi kami maaaring magsalita tungkol sa mga detalye ng kaso dahil ito ay nasa ilalim na ng nagpapatuloy na proceedings. Ngunit ang masasabi namin ngayon ay kumpiyansa kami sa lakas ng aming kaso at ebidensya,” ani Atienza. “Iginagalang namin ang proseso ng korte. Naniniwala kami na patas na hahawakan ng hukuman ang usaping ito.”

Dagdag pa niya, hindi dumalo si Romualdez sa pagdinig ngunit kinatawan siya ng kanyang abogado, at handa umano itong sumunod sa anumang kautusan ng korte na nangangailangan ng kanyang personal na pagharap.

Kaugnay ng kaso, kamakailan ay naglabas ang korte ng cyber warrant na nagbibigay pahintulot sa National Bureau of Investigation (NBI) na siyasatin ang mga digital device na pagmamay-ari ni Mabanta at ng kanyang mga kapwa akusado.

Naaresto si Mabanta at apat pang iba noong Mayo 5 dahil sa alegasyon ng extortion na may kaugnayan sa hinihinalang paghingi ng P300 milyon mula kay Romualdez.

Ayon sa mga ulat, nagbanta umano ang grupo na maglalabas ng mga video na nag-uugnay sa mambabatas sa kontrobersiya ng flood control maliban na lamang kung magbabayad ito.

Naaresto umano ang mga suspek matapos tumanggap ng marked money, ayon sa mga naunang ulat.

Mariing itinanggi nina Mabanta at ng kanyang mga kapwa akusado ang mga alegasyon at tinawag ang kaso bilang isang “setup” na layong patahimikin ang kanilang media network.

Pinalaya sila sa piyansa noong Mayo 9 matapos manatili sa kustodiya ng pasilidad ng NBI.