Calendar
Anti-political dynasty act lusot sa 2nd reading sa Kamara
INAPRUBAHAN na ng Kamara de Representantes sa ikalawang pagbasa ang panukalang batas na nagbabawal sa political dynasty at nagsusulong ng pantay na pagkakataon sa paghawak ng pampublikong posisyon alinsunod sa 1987 Constitution.
Ang House Bill No. 8389 (Anti-Political Dynasty Act), nagbabawal sa mga kamag-anak hanggang ikalawang antas ng pagkakamag-anak na tumakbo o humawak ng posisyon sa parehong lokalidad ay inaprubahan sa plenaryo sa pamamagitan ng “viva voce voting.”
Sina House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III at House Majority Leader at Ilocos Norte 1st District Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ang may-akda ng naturang panukala kasama ang 173 iba pang mambabatas bilang mga co-authors.
Ipinapakita ng malawak na suporta ang matinding pagsang-ayon sa Kongreso, ayon kay Marcos, para sa matagal nang hinihintay na batas laban sa political dynasty na itinuturing na prayoridad na panukala sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at inendorso naman ni President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Naganap ang pag-apruba matapos bigyang-diin ni Speaker Dy ang kahalagahan ng pagpasa ng panukala sa muling pagbubukas ng sesyon ng Kongreso at sinabing mahalaga ito upang mapalakas ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.
“Kung tunay nating nais palakasin ang tiwala ng taumbayan sa ating institusyon, ipasa na natin ang Anti-Political Dynasty Bill,” sabi ni Speaker Dy.
Naaprubahan ang panukala sa Plenaryo ng Mababang Kapulungan sa ikalawang pagbasa matapos irekomenda ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na pinamumunuan ni House Senior Majority Leader at Lanao Rep. Zia Alonto Adiong.
Sa ilalim ng inaprubahang panukala, ang saklaw ng HB No. 8389 ay hanggang ikalawang antas ng pagkakamag-anak ay resulta ng mga konsultasyon sa Luzon, Visayas, at Mindanao, kung saan nagpahayag ang mga stakeholder ng parehong suporta at pangamba tungkol sa pagpapatupad nito.
