Tulfo

Contingency plan ng Senado vs armadong pag-atake hinanap ni Tulfo

39 Views

KINUWESTYON ni Senador Erwin Tulfo kung may malinaw na contingency plan ang Senado para sa posibleng armadong pag-atake, matapos aniyang ilantad ng insidente noong Mayo 13 ang mga kakulangan sa proteksyon ng kapulungan sa mga senador, empleyado, media workers at bisita sa panahon ng emergency.

Sinabi ni Tulfo na alam niya ang mga proseso ng Senado para sa sunog at lindol, ngunit hindi malinaw sa kanya kung may protocol sakaling makapasok sa gusali ang mga armadong tao.

“Kung meron pong umakyat dyan na mga armado, ano ang gagawin ng security? Can they repel? Can they fight back?” sabi ni Tulfo sa isang Senate media phone-patch interview.

Ayon kay Tulfo, dapat repasuhin ng Senado kung handa ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms, police personnel at iba pang security units na tumugon sa banta ng armadong pag-atake sa loob ng premises.

Sinabi niya na nasa isang silid ang mga senador noong insidente ng Mayo 13 habang kumakalat ang mga ulat tungkol sa putukan at posibleng pag-atake, kaya dapat sagutin kung bakit hindi agad naipuwesto ang security personnel malapit sa kanila.

“At least, this time, nakita namin na may loophole, ika nga, may problema sa siguridad ng Senado mismo,” sabi ni Tulfo.

Ayon kay Tulfo, maaaring lumala ang sitwasyon dahil sa napaulat na babalang “under attack” ang Senado, lalo na kung hindi malinaw sa mga senador at staff kung saan sila pupunta o sino ang nagbabantay sa kanila.

Sinabi ni Tulfo na hindi lamang dapat umikot ang usapin sa napaulat na putok ng baril. Dapat din aniyang suriin kung paano tumugon ang Senado, sino ang nagbigay ng utos, at kung may malinaw na emergency plan na sinunod ang security officials.

Ayon sa senador, dapat maglatag o mag-update ang Senado ng mga protocol para sa armed confrontations, lockdowns, evacuation routes, room security, koordinasyon sa law enforcement agencies, at proteksyon ng mga sibilyan sa loob ng Senate building.

Sinabi ni Tulfo na hindi maaaring umasa sa palagay ang Senado sa panahon ng emergency dahil buhay ang maaaring malagay sa panganib kung walang malinaw na instruksyon ang security personnel at mga opisyal.

Naganap ang insidente noong Mayo 13 sa gitna ng tensyon kaugnay ng mga ulat tungkol sa posibleng law enforcement action na may kinalaman kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ilang senador na ang nanawagan na repasuhin ang insidente, kabilang ang kilos ng Senate security personnel, presensiya ng law enforcement units malapit sa premises, access control, at paglalabas at pagrepaso ng CCTV footage.

Sinabi ni Tulfo na dapat matukoy ng Senado kung ano ang nagkamali at kung anong mga reporma ang kailangan upang maiwasan ang kalituhan kapag nagkaroon muli ng security emergency.