Lacson Sen. Panfilo “Ping” Lacson

Sen. Lacson ipinagtanggol si Sen. Sotto

61 Views

IPINAGTANGGOL ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III laban sa mga pahayag na hindi niya “inaalagaan” ang mga kapuwa senador.

“Ang nakarating sa amin ang issue kay Sen. Sotto, hindi daw marunong mag-alaga ng kasamahan namin,” sabi ni Lacson.

Tinukoy rin niya ang malaking pondo ng bayan na, ayon sa kanya, wala kay Sotto upang ipamahagi, habang binabatikos ang maling kahulugan ng “alaga” sa pulitika.

Sinabi ni Lacson na walang masama kung aalagaan ng lider ng Senado ang kanyang mga kasamahan sa tama at patas na paraan ngunit tinutulan niya ang ideya na ang pag-aalaga sa mga senador ay dapat mangahulugan ng materyal na akomodasyon gamit ang pera ng bayan.

Ayon kay Lacson, ang mga salitang “kumusta kayo” at “aalagaan ko kayo” ay dapat ituon sa ordinaryong Pilipino at hindi sa kapuwa senador.

Ang bagong Senate minority bloc, na kinabibilangan niya, ay tumatalakay ng mga paraan upang makapag-ambag sa paggawa ng polisiya habang tumutulong na maibalik ang integridad ng Senado bilang institusyon.

“Ang nangunguna, and I can speak on their behalf, ang nangunguna pag nagdi-discuss kami, isalba ang institution. Kaya ang aking mensahe sa aking kababayan, kumusta kayo?” sabi niya.

Maaaring isa pang dahilan ng leadership change ang dati niyang pamumuno sa Senate Blue Ribbon Committee matapos magrekomenda ang komite ng karagdagang imbestigasyon sa ilang personalidad na iniugnay sa flood control issue.

Ayon sa kanya, hindi niya maaaring balewalain ang ebidensya o pagtakpan ang mga kasamahan kung may ebidensyang tumuturo sa kanila.

“Kung ikasasama ng loob ng aking kasamahan ang aking pagganap ng tungkulin bilang chairman na ‘di ko balewalain ang mga pahayag o di ko isasama dahil kasamahan ko, saan ako lulugar?” tanong ni Lacson.

Sa pagbabago ng liderato sa Senado, naging Senate President si Alan Peter Cayetano habang si Sotto ay naging Senate Minority Leader.

Hinaharap ng kapulungan ang committee assignments, ang May 13 security incident, at ang paghahandang may kaugnayan sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.