Matibag

NBI: Maaaring maharap sa kasong kriminal ang tumulong kay Bato na makaiwas sa pag-aresto

75 Views

NAGBABALA nitong Sabado si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na maaaring maharap sa kasong kriminal at administratibo ang mga taong tumulong kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa upang makaiwas sa pag-aresto, kabilang na ang obstruction of justice at harboring a fugitive.

Ginawa ni Matibag ang pahayag matapos aminin ni Senador Robin Padilla sa publiko na noong Mayo 14 ay isinakay niya si Dela Rosa palabas ng Senate complex at ibinaba sa Makati City bago muling nawalan ng bakas ang mga awtoridad sa senador.

“Si Senator Padilla mismo ang nagkumpirma na sumakay sa kanya si Senator Bato at ibinaba niya ito sa isang lugar,” ani Matibag sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.

“Sa tingin ko, isa siyang responsableng senador at responsableng mamamayan kaya alam na niya ngayon na dapat managot sa batas,” dagdag pa niya.

Sinabi ng hepe ng NBI na pinag-aaralan na ngayon ng Department of Justice ang mga posibleng kaso laban sa mga taong maaaring tumulong kay Dela Rosa.

“Sa usapin ng kanyang pananagutan o anumang maaaring maging paglabag sa batas, ito ay kasalukuyang pinag-aaralan at binubuo ng Department of Justice katuwang ang iba pang sangkot na ahensya,” aniya.

Ayon kay Matibag, kabilang sa mga maaaring isampang kaso ang obstruction of justice.

“Marami pong posibleng kaso depende sa sitwasyon. Nandiyan siyempre ang obstruction of justice at harboring of a criminal,” aniya.

“Kung ikaw ay isang opisyal ng gobyerno, mas komplikado ito dahil mayroon tayong Code of Professional Responsibility at Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act,” dagdag niya.

Binigyang-diin din niya na hindi saklaw ng immunity from arrest ang mga mambabatas kung ang kasong kinahaharap ay may parusang higit sa anim na taong pagkakakulong.

“Nakatakda na sa batas na anumang krimen na ginawa ng miyembro ng Kongreso, maging mula sa House o Senado, kung ang kaparusahan ay higit sa anim na taon, hindi sila saklaw ng immunity from arrest,” ani Matibag.

Nanawagan din ang direktor ng NBI sa publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang impormasyon na makatutulong upang matunton si Dela Rosa.

“Tungkulin ng bawat Pilipino na kung may makita kayong isang pugante tulad ni Senator Bato, i-report ito sa law enforcement agencies upang maaresto ang taong iyon,” ani Matibag.