Gusali2

DI BABABA SA 26 NAKALIGTAS SA PAGGUHO NG GUSALI SA ANGELES CITY

Alfred Dalizon May 24, 2026
137 Views

GusaliGusali1Gusali3HINDI bababa sa 26 katao ang nakaligtas sa pagguho ng isang gusaling itinatayo sa Angeles City bandang alas-3 ng madaling araw noong Linggo, ayon sa pulisya at mga opisyal ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Police Regional Office 3 director Brigadier General Jess B. Mendez, wala pa silang natatanggap na ulat ng nasawi hanggang sa oras ng pagsulat, bagamat patuloy nilang kinakausap ang mga nakaligtas at ang pamunuan ng itinatayong 9-palapag na konkretong gusali sa Teodoro Street, Barangay Balibago, Angeles City.

Ayon sa hindi pa kumpirmadong ulat, nasa 30 hanggang 40 construction workers umano ang naipit sa ilalim ng mga guho ng gusali, bagamat wala pang opisyal na ulat ang pulisya tungkol dito.

“Sa paunang impormasyon, makukumpirma namin na 22 katao ang nakalabas sa gusali bago ito tuluyang gumuho habang apat pa kabilang ang isang Chinese national ang nailigtas,” ayon sa opisyal.

Bukod sa Chinese national, kabilang sa mga nailigtas ang dalawang manggagawa at isang vendor.

Si Brig. Gen. Mendez, na agad nagtungo sa lugar upang pangunahan ang nagpapatuloy na search, rescue, at retrieval operations, ay nagsabing anim sa mga nakaligtas ang pinayagan nang makalabas ng ospital matapos mabigyan ng lunas.

Ang iba naman ay nagtamo ng minor abrasions at iba pang pinsala sa katawan.

Kabuuang 102 pulis ang ipinadala upang tumulong sa search-and-rescue operations, dagdag pa niya.

Ayon naman sa Angeles City Information Office, 24 katao ang matagumpay na nailigtas mula sa gumuhong istruktura habang dalawa pa, kabilang ang isang 51-anyos na turistang Malaysian, ang nailigtas mula sa kalapit na apartelle na matinding napinsala nang bumagsak ang gusali.

Patuloy ngayon ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng pagguho. Kinukuha na ng pulisya ang salaysay ng construction foreman at kanyang mga tauhan na nakalabas sa gusali bago ito tuluyang bumagsak.

Kasama sa search-and-rescue operation ang pulisya, Bureau of Fire Protection, at mga lokal na disaster authorities.

Gumuho ang gusali matapos makaranas ang lungsod ng malakas na ulan at malalakas na hangin noong Sabado ng gabi.