Gatchalian Sen. Gatchalian isinusulong pagpapatibay sa pamamahala ng LUCs

Pagpapatibay sa pamamahala ng LUCs isinusulong ni Sen. Gatchalian

69 Views

ISINUSULONG ni Sen. Sherwin Gatchalian ang panukalang magpapatibay sa pamamahala ng local universities and colleges (LUCs) upang matiyak na sumusunod ang mga paaralan sa requirements ng Commission on Higher Education (CHED) at nananatiling kwalipikado sa benepisyo ng libreng kolehiyo.

Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 623, o Local Universities and Colleges Governance Act, na naglalayong magtakda ng framework sa pagtatayo at operasyon ng mga LUC.

Batay sa datos ng Second Congressional Commission on Education, tumaas ang enrollment sa mga LUC mula sa 343,000 noong 2021 hanggang 493,000 noong 2023.

Ipinapakita ng mga datos ang mabilis na paglago ng LUCs sa hanay ng higher education institutions, ayon kay Gatchalian.

Sinabi ng senador na kailangang sabayan ng mas mahigpit na quality controls ang paglago ng LUCs dahil habang 101 LUCs ang may institutional recognition mula sa CHED nasa 59 pa ang hindi pa kinikilala.

Ang kawalan ng institutional recognition ay nagdudulot ng pangamba sa kalidad ng edukasyon at maaari ring makaapekto sa access sa mga benepisyo sa ilalim ng Republic Act No. 10931, o Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

Sa ilalim ng batas, maaaring makatanggap ng libreng tuition at iba pang education-related benefits ang mga kuwalipikadong estudyante sa qualified state universities and colleges, local universities and colleges, at technical-vocational institutions.

Ang mga LUC na walang institutional recognition mula sa CHED ay hindi kuwalipikadong makatanggap ng benepisyo sa libreng kolehiyo sa ilalim ng batas.

“We’ll encourage the establishment of LUCs, but we’ll make sure that from the onset, of quality na sila,” sabi ni Gatchalian.

Layunin ng panukala na gabayan ang mga lokal na pamahalaan sa pagtatayo at pagpapatakbo ng LUCs, at tiyakin na ang mga estudyante ay pumapasok sa mga institusyong sumusunod sa national higher education standards.