Calendar
Extraordinary unity dapat ngayon sa mga lider sa PH–Sen. Cayetano
NANAWAGAN si Senate President Alan Peter Cayetano ng “extraordinary unity” sa hanay ng mga lider at dapat ipagpatuloy ng Senado ang trabaho sa mga usaping may direktang epekto sa publiko habang isinasailalim sa isang independent investigation ang May 13 incident.
Humaharap ang bansa sa mabibigat na problema na nangangailangan ng kooperasyon at mas matitibay na tugon mula sa mga opisyal ng pamahalaan, ayon kay Cayetano.
“’Pag extraordinary ’yung problema, kailangan extraordinary din ’yung solusyon natin. We have to have extraordinary unity,” sabi ni Cayetano.
Kinilala ni Cayetano ang mga alalahaning kaugnay ng May 13 Senate incident, ngunit sinabi niyang dapat itong harapin nang propesyonal at batay sa resulta ng imbestigasyon.
“In the meantime, let us show the Filipino people that the Senate is the Senate,” dagdag niya.
Dapat manatiling nakatuon ang mga mambabatas sa mga usaping direktang nakaaapekto sa mga Pilipino, kabilang ang PhilHealth, gamot, pangangailangan ng mga ospital, scholarships, tuition at hinaing ng mga manggagawa at driver sa sektor ng transportasyon.
Ayon sa kanya, dapat lampasan ng mga opisyal ang political conflict at ipagpatuloy ang pagtugon sa mga problema sa ekonomiya, presyo ng gasolina, presyo ng pagkain, edukasyon at pangunahing serbisyo.
Dapat maging impartial ang paghawak sa impeachment trial, kung saan susuriin ng mga senador ang ebidensiya at susundin ang mga patakaran, ayon sa kanya.
“’Yung impeachment trial, madali eh. Just be impartial. Maayos lang ‘yung takbo, evaluate the evidence, follow the rules, be impartial,” sabi niya.
Patuloy na humaharap ang Senado sa mga tanong na nagmula sa May 13 incident at sa mga pagbabago sa liderato ng kapulungan.

