Calendar
PCG-Chicago minulat mga dayuhang kabataan sa yaman ng kulturang Pilipino


CHICAGO, USA — Sa layuning imulat ang kabataan sa yaman ng kulturang Pilipino, pinangunahan ng Konsulado ng Pilipinas (PCG) sa Chicago ang pagbabasa ng libro at presentasyon sa Jonathan Burr Elementary School noong Miyerkules, May 22, 2026.
Ang aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang ng Asian American and Pacific Islander (AAPI) Heritage Month.
Ang layon ay palawakin ang kaalaman at pagpapahalaga ng mga dayuhang mag-aaral sa pagkakaiba-iba ng kultura sa komunidad ng AAPI na dinaluhan ng halos 200 mag-aaral mula sa ika-5 hanggang ika-8 baitang.
Binuksan ni Konsul Ella Karina Mitra ang programa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng impormasyon ukol sa Pilipinas—mula sa geography, languages, food, and culture, hanggang sa tradisyunal na pagkain at natatanging kultura nito.
Naging tampok sa programa ang interaktibong pagbabasa ni Konsul Mitra ng librong “Luis and the Enchanted Creatures,” na nagdala sa imahinasyon ng mga bata sa mundo ng mga kuwentong-bayan at mitolohiyang Pilipino.
Ito ay bahagi ng patuloy na inisyatiba ng Konsulado sa public and cultural diplomacy upang itaguyod ang kamalayan at pagmamahal sa pamanang Pilipino sa mga kabataan sa rehiyon ng US Midwest.

