Zubiri1 Mariing pinabulaan nina Senate Minority Leader Vicente Sotto at Senator Miguel Zubiri ang video presentation ni Sen. Imee Marcos na isinusulong umano ang Charter Change at hiniling na ipatanggal ito sa record ng Senado nitong Mayo 25, 2026. Kuha ni JOSEPH MUEGO

Mga senador nagbanggaan sa isyu ng Cha-cha, Con Ass

99 Views

NAGKAROON ng mainit na palitan sa plenaryo ng Senado matapos iprisinta ni Senadora Imee Marcos ang isang video na nag-uugnay sa ilang miyembro ng minority bloc sa umano’y hakbang para isulong ang Charter change, dahilan upang mariing tumanggi ang ilang mambabatas, maghain ng mosyon na alisin ang materyal sa rekord, at tumutol naman si Senador Rodante Marcoleta.

Si Senate President Alan Peter Cayetano, na namuno sa palitan, ay umapela sa mga senador na hawakan ang usapin bilang magkakasamahan at sinabing mas mabuting ipa-withdraw ni Marcos ang video sa halip na hayaang lamunin ng kontrobersiya ang trabaho ng kapulungan.

“We are all colleagues,” sabi ni Cayetano, habang binabanggit ang “spirit of friendship” sa hanay ng mga senador.

Sinabi ni Cayetano na kailangang magpatuloy ang trabaho ng Senado sa impeachment process at pag-oorganisa ng mga komite kahit may mga senador na nagtaas ng pangamba sa video at sa mga implikasyon nito.

“Judge me every single day as Senate President,” sabi ni Cayetano.

Kinilala rin niya ang punto ng minorya na mahigpit na binabantayan ng publiko ang Senado.

“People are watching us,” sabi ni Cayetano, kasabay ng pagsasabing tama ang minorya na bigyang-pansin ang asal at direksyon ng kapulungan.

Sinabi ni dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nasaktan siya sa pagkakabanggit ng kanyang pangalan sa video at itinanggi na may kinalaman siya sa anumang umano’y plano para isulong ang Charter change o ipagpaliban ang halalan.

“I really take offense,” sabi ni Sotto, kasabay ng pagtanggi sa mga alegasyong inilahad sa presentasyon.

Ayon kay Sotto, may mga narinig siyang panukala hinggil sa Charter change ngunit itinanggi niyang dinala niya ito sa kanyang mga kasamahan sa Senado o sinuportahan ito.

“I have never been in favor of cha-cha, Charter change,” sabi ni Sotto. “I have nothing to do with the allegations of cha-cha. I heard the proposals. I never brought it up to my colleagues, any one of them.”

Sinabi ni Sotto na hindi dapat ituring na patunay ng pagsang-ayon o pakikilahok sa Charter change ang mga kaswal na usapan sa politika.

“Ano ba yan? Hindi ba pwedeng pinag-uusapan, narinig mo, yan na kaagad at lalabas dito para bang ako nakikiisa sa Cha-cha?” sabi niya.

Ayon kay Sotto, hindi Charter change ang kailangan ng bansa kundi “character change.”

Itinanggi rin ni Sotto na sinuportahan niya ang anumang panukalang may kaugnayan sa 2028 elections o sa posibleng kandidatura ni Vice President Sara Duterte.

“I have nothing to do with the proposal for any elections of Sara Duterte in 2028. For all you know, I might vote for her,” sabi niya.

Nilinaw din ni Sotto na ang pulong kay Speaker Faustino “Bodgie” Dy ay may kinalaman sa golf, ngunit inamin niyang sa gitna ng kanilang usapan ay may ilang kongresista na nagbanggit ng posibilidad ng regional senators.

“Pero hindi ito seryosong usapan… hanggang dumating si Senator Ping Lacson na naligaw lang doon,” ayon kay Sotto.

Umapela naman si Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri na alisin sa rekord ang video, na inilarawan niyang puno ng opinyon at propaganda at hindi naaayon sa asal-parlamentaryo.

Sinabi ni Zubiri na maaaring gumamit ng video sa Senado kung ito ay nagpapakita ng ebidensya o nakatutulong sa mga senador na kumilos sa isang isyu, ngunit hindi kung ginagamit ito upang gumawa ng intriga laban sa mga kasamahan.

“It should be stricken off the record, Madam President. It is unparliamentary,” sabi ni Zubiri.

Itinanggi rin niya na kinausap siya ni Sotto o ng iba pang senador tungkol sa Charter change.

“Never ako kinausap ni SP Sotto. Never ako kinausap ng mga kasamahan ko dito about Charter change,” sabi ni Zubiri.

Sinabi ni Zubiri na tinutulan niya ang naunang people’s initiative campaign at hindi dapat ilarawan na bahagi siya ng anumang Charter change plan.

Batay sa mga tala sa floor exchange, itinanggi rin ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na may plano ang kanilang grupo na kunin ang kontrol ng Senado para sa constituent assembly.

“Hindi kami magte-take over para sa Con-Ass. Never naming napag-usapan ’yan,” ani Lacson, batay sa notes.

Sinuportahan din ni Lacson ang mosyon na alisin sa rekord ang pinagtatalunang materyal, at sinabing hindi seryosong political plan ang sinasabing usapan kundi maling pagkaunawa o maling paglalahad ng kuwento.

Sinabi ni Lacson na pabiro lamang niyang naikuwento kay dating Secretary Lito Banayo ang ideya tungkol sa regional senators at wala itong masamang layunin dahil hindi naman seryoso ang usapan.

“Dahil para sa akin ito ay hindi seryosong bagay kaya’t naikwento ko,” sabi ni Lacson.

Tinanggihan din ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga pahayag na napag-usapan sa kanilang hanay ang Charter change.

“For the record, never naming napag-usapan ang Charter change,” sabi ni Gatchalian, batay sa notes.

Inilagay ni Gatchalian ang isyu sa usapin ng pagbabalik ng dignidad at kredibilidad ng Senado, at tinanong kung paano muling maibabalik ang tiwala ng publiko sa kapulungan matapos ang kontrobersiya.

Tumutol din si Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV sa video, tinawag na mali ang mga pahayag, at nagbabala laban sa paggamit ng plenaryo para sa conspiracy claims.

“Fake news po ’yan. Ni isang beses ay hindi ’yan nabanggit,” sabi ni Aquino, batay sa notes.

Ayon sa notes, sinabi rin ni Aquino na marami sa mga senador ang hindi papayag sa “no elections” o sa pagbabago sa 1987 Constitution.

Umapela rin si Senador Raffy Tulfo ng kahinahunan at hinimok ang mga kasamahan na tapusin na ang kontrobersiya, dahil dapat magpokus ang Senado sa trabaho sa halip na paulit-ulit na bangayan.

Batay sa notes, sinabi ni Tulfo na hindi dapat gamitin ang plenaryo para sa conspiracy claims at dapat may ebidensya ang anumang exposé.

“Dapat may back-up kung maglalabas ka ng exposé,” ani Tulfo, batay sa notes.

Sinabi rin ni Tulfo na nagmumukhang sirko na ang Senado at ang mga mambabatas ay ibinoto para magtrabaho.

Sinuportahan din ni Senadora Risa Hontiveros ang mosyon na alisin ang video sa rekord, at sinabing walang ebidensya para suportahan ang conspiracy claims na inilabas sa presentasyon.

Batay sa notes, nagbabala si Hontiveros na hindi dapat makapasok sa opisyal na minutes ng kapulungan ang fake news at hindi dapat isakripisyo ang dignidad ng Senado.

Sinuportahan din ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito ang panawagang huwag gawing bahagi ng rekord ang video.

“Let us not allow this august chamber to be part of fake news,” sabi ni Ejercito, batay sa notes.

Itinanggi rin ni Ejercito na napag-usapan ang Charter change at nagbabala na maaari pang masira ang imahe ng Senado.

Tumutol naman si Senador Marcoleta sa mosyon na alisin sa rekord ang video, at sinabing hindi dapat maging balat-sibuyas ang mga senador kapag may mga isyung itinataas sa plenaryo.

“I’m objecting to the motion to strike out,” sabi ni Marcoleta, batay sa notes. “Huwag po tayong balat-sibuyas.”

Naiiba ang posisyon ni Marcoleta sa mga senador na nais alisin ang materyal, dahil itinuturing niyang dapat pa ring marinig at masagot sa bukas na debate ang usapin.

Umapela si Cayetano na magpatuloy ang Senado at huwag hayaang maantala ng kontrobersiya ang trabaho ng kapulungan.

Sinabi niya na maaaring maghain ng mga isyu ang mga senador, ngunit kailangang magpokus ang kapulungan sa tungkulin ng institusyon, kabilang ang impeachment process, pag-oorganisa ng mga komite, at asal na inaasahan sa Senado bilang pampublikong institusyon.

Naganap ang palitan habang patuloy na hinaharap ng Senado ang tensyon sa liderato, committee assignments, at paghahanda sa mga hakbang kaugnay ng impeachment proceedings.