Acidre

Cha cha di pinag-uuspan, ‘plot’ kathang isisp lang — Acidre

53 Views

SINABI ni House Committee on Higher and Technical Education chair Jude Acidre na ang video na ipinakita sa Senado tungkol sa umano’y Charter change (Cha-cha) plot ay isang “political fiction” na walang mapapatunayang ebidensya at tila inilabas upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte.

Inilabas ni Acidre ang pahayag matapos ipakita ni Sen. Imee Marcos sa plenaryo ang isang video na nagsasabing umano’y pinag-uusapan nina dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III at ilang lider ng Kamara ang Charter change sa pamamagitan ng constitutional assembly — isang alegasyon na umani ng pagtutol mula sa ilang senador na tumawag dito bilang propaganda at fake news.

“Well, sa totoo lang, tinawag nga namin political fiction. Kasi how else would you call a story that’s basically baseless, that’s being promoted to elicit a certain reaction from the people?,” pahayag ni Acidre sa panayam ng Bilyonaryo News Channel.

Sumiklab ang kontrobersya habang naghahanda ang Senado para simulan ang impeachment trial matapos bumoto ang Kamara ng 257-25-9 pabor sa impeachment ni Duterte at isumite sa Senado ang Articles of Impeachment.

“Kasi kung titignan mo ‘yung video, wala namang kongkretong ebidensya that it happened. There’s no way of verifying any of the information that were presented,” diin ni Acidre.

Ayon kay Acidre, iresponsable ang pag-uugnay mula sa umano’y pagtalakay sa pagbabago ng Konstitusyon tungo sa isang planong pahabain ang termino ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., lalo na’t ang dapat pagtuunan ng pansin ng bansa ay ang constitutional proceeding na kasalukuyang nasa Senado.

“I think it’s an overreach pa nga to conclude that part of it is because. Granted, kung napag-usapan man ang pagbabago ng Constitution, which we really don’t know,” ani Acidre.

Binanggit din niya ang paliwanag ni Sotto na ang anumang pagbanggit sa Charter change ay ginawa lamang bilang biro, kaya lalong naging hindi patas ang konklusyon ng video.

“Although I think Senator Tito Sotto already mentioned that it was mentioned in jest. ‘Yung conclusion na ito ay magle-lead dun sa pagpapahaba ng termino ng Pangulong Bongbong Marcos,” sabi ni Acidre.

Para kay Acidre, lalo pang lumalala ang problema dahil ang pahayag ay nanggaling mismo sa isang senador, na may bigat at impluwensya sa publiko kahit walang sapat na patunay.

“I think at the very least, it’s an irresponsible act or a responsible word to say for a statement coming from a senator of the Republic,” punto ni Acidre.

Nang tanungin kung naniniwala siyang may bahid-politika ang video, direkta ang sagot ni Acidre.

“Definitely. The way na prinesent siya,” aniya.

Sinabi ng mambabatas ng Tingog Party-list na hindi naman bahagi ng kasalukuyang talakayan sa Kamara o Senado ang Charter change, kaya lalong kahina-hinala ang biglaang pagbanggit nito.

“Hindi naman napag-uusapan ang Charter change. Not in the House, not in the Senate,” ayon kay Acidre.

Dagdag niya, hindi rin ito bahagi ng mga kamakailang pampublikong diskusyon kaya mahirap ihiwalay ang muling pagbangon ng isyu mula sa konteksto ng impeachment.

“Not even in the news. Hindi napag-uusapan lately ang constitutional change,” ani Acidre.

Para kay Acidre, sapat na ang timing upang magtanong ang publiko kung bakit muling inilabas ang isyu habang nakatuon na ang atensyon ng bansa sa impeachment court ng Senado.

“And why now, at a time when all of our focus should be on the impeachment trial?,” tanong ni Acidre.

Aniya, hindi rin naman napag-uusapan sa 20th Congress ang usapin ng constitutional assembly.

“Actually, yung tungkol sa constituent assembly, never talaga napag-usapan. As of late, especially in the 20th Congress, never napag-usapan ang issue ng Charter change,” diin niya.

Sinabi rin ni Acidre na maging ang mga miyembro ng Kamara ay nabahala sa biglaang pagpasok ng isyu ng Charter change sa pampublikong usapan.

“Kaya kahit kami sa Kongreso kahapon, we were also quite disturbed na biglang pinasok ang issue ng Charter change,” ani Acidre.

Ayon sa kanya, mas mainam na manatiling nakatuon ang Senado sa mga ebidensya sa impeachment kaysa hayaang magpalala ng pangamba ang mga hindi beripikadong alegasyon.

“I think it’s a clear effort to deflect the attention of the public sa mga issue na dapat pinag-uusapan ngayon,” sabi niya.

Dagdag pa ni Acidre, tungkulin ng mga opisyal ng gobyerno na pakalmahin ang bansa sa panahon ng tensyon at hindi magpalaganap ng hinala nang walang sapat na ebidensya.

“It does not serve our democracy to have our political atmosphere, our political climate right now, ma-aggravate pa by irresponsible statements by people who are supposed to do our job of calming the people, assuring the people that democracy is strong in this country,” ani Acidre.

Aniya, nakababahala na mismong mga opisyal ng gobyerno ang nagdudulot ng takot sa publiko sa pamamagitan ng mga alegasyong walang patunay.

“Sila pa ‘yung mananakot sa mga kababayan natin na may ganitong plano na wala naman. At wala namang patunay na pinakita si Sen. Marcos,” pagtatapos ni Acidre.