Acidre3

Cha-cha plot ‘political fiction’–Rep. Acidre

Mar Rodriguez May 26, 2026
54 Views

“POLITICAL fiction” o guni-guni lang na walang ebidensya ang video na ipinakita sa Senado na nagbubunyag ng umano’y sabwatan para sa Charter change (Cha-cha) at mistulang inilabas upang ilihis ang atensyon ng publiko mula sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, ayon kay Tingog Party List Representative Jude Acidre.

Inilabas ni Acidre ang pahayag matapos ipakita ni Sen. Imee Marcos sa plenaryo ng Senado ang isang video na nagsasabing umano’y pinag-uusapan nina dating Senate President Vicente Sotto III at ilang lider ng Kamara de Representantes ang Cha-cha sa pamamagitan ng constitutional assembly.

“Well, sa totoo lang, tinawag nga namin political fiction. Kasi, what else would you call a story that’s basically baseless, that’s being promoted to elicit a certain reaction from the people?” ani Acidre.

Sumiklab ang kontrobersya habang naghahanda ang Senado na ituloy ang impeachment trial matapos bumoto ang Kamara ng 257-25-9 upang i-impeach si Duterte at ipadala sa Senado ang Articles of Impeachment.

Ayon sa kongresista, iresponsable ang pag-uugnay ng umano’y usapan tungkol sa pagbabago ng Konstitusyon sa sinasabing plano na pahabain ang termino ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. lalo na’t dapat nakatuon ang pansin ng bansa sa constitutional proceeding na kasalukuyang nasa Senado.

“I think it’s an overreach pa nga to conclude that part of it is because. Granted, kung napag-usapan man ang pagbabago ng Constitution, which we really don’t know,” saad pa ng mambabatas.

Binanggit din ni Acidre ang paliwanag ni Sotto na pabiro lamang ang anumang nabanggit tungkol sa Charter change, kaya lalo umanong hindi patas ang naging konklusyon ng video.