Hot News

PNP-CIDG kakasuhan ng obstruction of justice si Sen. Robin

Alfred Dalizon May 27, 2026
103 Views

Robin

INANUNSYO ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) nitong Miyerkules na magsasampa ito ng kasong obstruction of justice laban kay Senador Robin Padilla at iba pang umano’y tumulong kay Senador Ronald “Bato” M. dela Rosa na makatakas mula sa Senate compound ilang oras matapos paniwalaan ng ilan na may pag-atake umano sa Senado noong Mayo 13.

Ayon kay PNP-CIDG director Major General Robert Alexander A. Morico II, ihahain ang reklamo para sa paglabag sa Presidential Decree No. 1829 sa National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ).

Ang PD 1829 ay batas na nagpaparusa sa mga taong sadyang gumagawa ng mga hakbang upang hadlangan, antalahin, o pigilan ang pag-aresto at pag-usig sa mga kriminal.

Sa ilalim ng batas, maaaring managot sa obstruction of justice ang sinumang “kumukupkop” sa isang kriminal, kabilang ang pagtatago, pagbibigay ng kanlungan, o pagtulong sa pagtakas ng isang taong alam o pinaghihinalaang gumawa ng krimen.

Ang paglabag ay may kaparusahang pagkakakulong mula anim na buwan at isang araw hanggang anim na taon o prision correccional, at multang mula P1,000 hanggang P6,000.

Nakasaad din sa batas na kung ang lumabag ay isang opisyal o empleyado ng gobyerno, maaari rin siyang mapatawan ng perpetual disqualification o habambuhay na pagbabawal sa paghawak ng pampublikong posisyon.

Sinabi ni Maj. Gen. Morico na batay sa masusing imbestigasyon ng CIDG, napag-alaman nilang ang pagsakay umano ni Sen. dela Rosa sa sasakyan ni Padilla ay “hindi simpleng hitch ride lamang kundi isang planado at koordinadong logistical maneuver upang maiwasan ang pagtuklas habang tumatakas mula sa Senado madaling-araw ng Mayo 14, 2026.”

Dagdag pa niya, natuklasan din sa imbestigasyon na may isa pang sasakyang sumusunod sa kotse ni Sen. Padilla na nagsilbing security escort at backup vehicle habang isinasagawa ang umano’y pagtakas.

Lumabas din sa imbestigasyon ng CIDG na walang tunay na pag-atake sa Senado noong gabi ng Mayo 13 at ang pamamaril ay nagsimula umano dahil sa padalus-dalos na aksyon ng grupo ng ngayo’y suspendidong Senate Sergeant-at-Arms na si Ma-o R. Aplasca.

Ayon sa pahayag ng CIDG, ang hakbang ay bahagi ng mandato ng ahensya na magsagawa ng patas na imbestigasyon at pagpapatupad ng batas nang walang pinipili.

“Kapag may mga taong aktibong nakikialam sa pag-aresto o tumutulong sa pagtakas ng mga kriminal upang makaiwas sa pag-uusig, sinisira nito ang sistema ng hustisya at pampublikong kaayusan,” ayon sa CIDG.

Binigyang-diin din ng ahensya na anumang uri ng obstruction of justice ay haharap sa kasong kriminal.

Sa oras ng paglalathala, patuloy pa ring tinutugis ng police tracker teams si Sen. dela Rosa, habang nagbabala ang liderato ng PNP na sino mang mapatunayang nagkukubli o nagbibigay ng kanlungan sa senador ay maaari ring maaresto at sampahan ng kaso.

Ayon kay PNP chief General Jose Melencio C. Nartatez Jr., mahigpit na nakikipag-ugnayan ang tracker teams ng CIDG sa DOJ at National Bureau of Investigation (NBI).

Batay naman sa pagsusuri ng Bureau of Immigration, walang rekord ng paglabas ng bansa si Sen. dela Rosa hanggang Huwebes noong nakaraang linggo.

Iginiit din ni Maj. Gen. Morico na nasa loob pa rin ng bansa ang dating PNP chief.

“Ang masasabi ko lang ay nasa bansa pa rin siya. Katulad ni Atong Ang, nasa Pilipinas pa rin si Senator dela Rosa at ipatutupad namin ang warrant laban sa kanya,” pahayag niya sa Camp Crame.

Nagbabala rin siya na sino mang mahuhuling nagtatago o tumutulong sa pagtakas ni dela Rosa upang maiwasan ang pag-aresto ay maaari ring maharap sa kaso at maaresto.

Gayunman, sinabi ni Morico na DOJ na ang magpapasya kung may pananagutan si Padilla, na umaming isinakay niya si dela Rosa sa kanyang puting Toyota Fortuner mula Senado bago ito ibinaba sa isang lugar sa Makati City.

Samantala, sinabi ng PNP chief na hindi pa nila pinag-uusapan ang posibilidad ng “protective custody” para sa senador, bagama’t maaari umano itong ituring bilang isang anyo ng pagsuko.

Inirekomenda rin ng CIDG ang pagsasampa ng iba’t ibang kasong kriminal kabilang ang paglabag sa Republic Act No. 11917 o Private Security Services Industry Act laban kina Aplasca at dalawa nitong tauhan na sina Joemi Ledesma at Charlie Montilla kaugnay ng indiscriminate firing sa loob ng Senado noong Mayo 13.

Ayon kay Morico, ang tatlo umano ang nagpasimula ng kaguluhan sa Senado matapos paulit-ulit na magpaputok laban sa mga “imaginary attackers.”

“Basically it was an overkill called panic firing. Sobra-sobra patama ng OSAA pero wala namang attackers. I can say it’s really an overkill,” ani niya.

Nauna nang sinabi ni Maj. Gen. Morico na lumabas sa kanilang imbestigasyon na si Aplasca ang unang nagpaputok sa loob ng Senado na umano’y malinaw na paglabag sa batas.

Matapos umano ang pamamaril laban sa dalawang NBI agents na nagbabantay sa isang pinto malapit sa Senate hall, iniwan din umano nila ang lugar.

Ayon sa opisyal, tila nabigyan si Aplasca ng maling impormasyon na may umaatakeng grupo sa Senado kaya siya nagpaputok, na sinundan ng panic firing ng kanyang mga tauhan.

Pinuri rin ni Morico ang mga Marine troopers at Police Security Protection Group personnel na kasama ni Aplasca ngunit hindi nagpaputok at nanatili lamang sa defensive position.

Ayon sa kanya, naiwasan sana ang insidente kung may maayos na komunikasyon sa pagitan ni Aplasca at mga personnel ng Senado.

“We call this one panic firing. They assume na nilulusob sila kaya tuloy-tuloy ang firing pero sumasagot lang ang NBI men ng defensive shots,” ani niya.

Ipinakita rin sa CCTV footage na sinuri ng PNP na nagpalit pa umano ng magazine si Aplasca matapos maubos ang bala ng kanyang baril na may 30-round magazine.

Dagdag pa ni Morico, bandang alas-7:50 ng gabi ay iniwan umano nina Aplasca at kanyang mga tauhan ang crime scene.

“The usual procedure is dapat i-secure ang door, maghintay ng reinforcement o SOCO, hindi dapat inabandona ang lugar. Dapat naka-barricade ang area malapit sa opisina ni Senator Legarda,” aniya.

“Iniisip nilang may pag-atake kahit wala namang attackers at malinis ang lugar,” dagdag pa ng CIDG director.

Nagpakita rin ang opisyal ng CCTV footage na nagpapakita umano sa evasive maneuver ng dalawang CIDG agents na nakipag-link up sa iba pa nilang kasamahan.

“Walang nakahandang sumugod o umatake sa Senate door taliwas sa kanilang sinasabi,” ani ni Morico.

Nilinaw din niya na ang tunog ng drilling na narinig sa loob ng Senate premises ay mula lamang sa GSIS maintenance workers na nagpapatibay sa GSIS door patungong Senado, at koordinado umano ito sa mga kinauukulang personnel.