Calendar
Walang usapan tungkol Cha-cha sa Kamara — Garin
WALANG seryosong usapan o talakayan sa loob ng Kamara de Representantes para isulong ang Charter Change (Cha-Cha), ayon kay House Deputy Speaker at Iloilo 1st District Rep. Janette L. Garin.
Mariing itinanggi ng House Deputy Speaker na mayroong anomang seryosong talakayan o organisadong hakbang nanngyayari sa loob ng Mababang Kapulungan para isulong ang Cha-cha o ang pag-amiyenda sa Konstitusyon.
Ang mga espekulasyon, pagbibigay diin ni Garin, na nag-uugnay sa isyu ng pag-amiyenda sa Saligang Batas at sa napipintong impeachment trial ng Senado laban kay Vice President Sara Z. Duterte ay isang “malaking kasinungalingan.”
Nilinaw ng Visayas Lady solon na bagamat matagal nang kaswal na napag-uusapan ang mga pag-amiyenda sa Konstitusyon sa iba’t ibang administrasyon. Iginigiit nito na walang opisyal na usapan ukol sa isang Constituent Assembly (ConAss) na naganap sa mga pagpupulong ng pamunuan ng Kamara sa pangunguna ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na dinadaluhan nito.
“Well, baka personal nilang napag-usapan ‘yun. Pero sa panig ng Kongreso, mayroon kaming lingguhang pagpupulong kasama ang mga Deputy Speaker. Lahat ng napag-uusapan nang seryoso at posibleng talakayin, ipinapaalam sa mga Deputy Speaker,” ayon kay Garin.
Ayon pa kay Garin, ang mga bagay na pormal na tinatalakay sa mga pulong ng pamunuan ng Kamara de Representantes ay limitado lamang sa mga isyu tulad ng Barangay and Sangguniang Kabataan elections (BSKE), kabilang ang mga panukalang buwagin ang sistemang SK at kung dapat bang ituloy ang mga nakaiskedyul na halalan sa dulo ng taong ito.
“Ang napag-usapan doon ay ‘yung SK Elections kasi may panawagan para sa abolisyon. Itutuloy ba ngayong Nobyembre, Oktubre? At ‘yung Barangay Elections, pero hindi No-El,” sabi pa ng mambabatas.
Gayunpaman, inamin ng Deputy Speaker na maaaring nabanggit ang usaping Cha-cha nang impormal sa mga pribadong pag-uusap, maging sa pagitan ng House Speaker at dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III o iba pang pinuno ng sangay ng lehislatibo.
Ngunit idiniin ni Garin na ang mga kaswal na usapan ng pamunuan ay lubos na kakaiba sa mga opisyal na deliberasyon ng Kongreso.
“Ngunit alam n niyo, ang pag-usapan ito sa isang kaswal na talakayan ay ibang-iba sa pagtalakay nito sa isang opisyal na pagpupulong sa Kongreso,” sabi pa ni Garin.

