Acidre3

Demolition job ikinasa vs House Prosecution team

Mar Rodriguez May 27, 2026
56 Views

NAGBABALA si Tingog Party List Rep. Jude A. Acidre na mayroong ikinakasang “demolition job” para durugin at pahinain ang House Prosecution Panel.

Ayon kay Acidre, Chairman ng House Committee on Higher and Techincal Education, tila may nabubuong organisadong kampanya upang pahinain ang prosecution panel ng Kamara at sirain din ang tiwala ng publiko sa proseso ng impeachment kasunod ang paglilihis ng atensyon mula sa mga ebidensyang ihaharap sa paglilitis sa Senado laban kay Vice President Sara Z. Duterte,

Inilahad ni Acidre ang nasabing babalang habang naghahanda ang Senado na dinggin ang Impeachment case na ipinadala ng Kamara de Representantes matapos bumoto ang 257-25-9 kongresista upang mai-impeach si Duterte dahil sa mga alegasyong kinabibilangan ng maling paggamit ng pondo ng publiko, hindi maipaliwanag na yaman, at pagbabanta laban kay Bongbong Marcos at iba pang opisyal.

“Sa totoo lang, kung titingnan ninyo ang iba’t ibang pahayag, maging sa social media, lalo na ang mga walang basehang akusasyon at batikos online, makikita natin na may pattern. Nakikita natin ang pattern ng mga pagsisikap na pahinain ang House prosecutors,” ani Acidre.

Maingat na nilinaw ni Acidre na personal niyang obserbasyon lamang ito, ngunit sinabi niyang ang paulit-ulit na pag-atake laban sa mga prosecutor ay tila planadong hakbang upang pahinain ang kaso bago pa man pormal na magsimula ang paglilitis.

“Ako lang ang makakapagsalita para sa sarili ko. Hindi ako makapagsasalita para sa institusyon,” paglilinaw ng mambabatas.

Kasabay ng impeachment proceedings ang magulong sitwasyong pampulitika sa Senado, kabilang ang mga pagtatalo hinggil sa remote participation, walkout ng minority bloc, at muling pag-usbong ng mga alegasyon tungkol sa Charter change o Cha-cha plot na kalauna’y tinawag ng ilang senador na fake news o propaganda tool.

“Hindi ako makapagsasalita para sa mga miyembro ng prosecution. Pero bilang third-party observer, masasabi kong tila may koordinadong pagsisikap upang sirain ang kanilang integridad sa layuning pahinain ang proseso o kaya’y wasakin ang lumalaking tiwala at interes ng taumbayan sa impeachment process,” dagdag pa ni Acidre.

Sa kabila ng mga pag-atake, sinabi ni Acidre na handa ang House prosecutors na ipagtanggol ang Articles of Impeachment sa Senado at hindi dapat naililihis sa kanilang pangunahing tungkulin.

“Masasabi ko nang buong kumpiyansa na ang ating House prosecutors ang nasa pinakamainam na posisyon upang ipagtanggol at itaguyod ang kaso, protektahan at ipagtanggol ang posisyon ng Kamara at ang articles of impeachment. At naniniwala akong lubos silang handa sa kanilang tungkulin,” sabi pa ni Acidre.

Ayon pa sa kanya, hindi dapat magpadistract ang prosecution team dahil dala nila ang isang constitutional case na pinaniniwalaan ng Kamara na suportado ng ebidensya at pananagutan sa publiko.

“At wala akong nakikitang dahilan upang sila’y madistract, lalo pa’t kumbinsido kami na nasa tamang panig kami ng kasaysayan,” dagdag nito.