Pangilinan

Minorya tuloy ang suporta kay Sen. Win bilang susunod na Senate president

61 Views

SINABI ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na ipagpapatuloy ng Senate minority bloc ang pagsusulong ng panibagong pagbabago sa liderato ng Senado, sa pagsuporta kay Senador Sherwin “Win” Gatchalian bilang kanilang napipisil na susunod na Senate President.

Ayon kay Pangilinan, naniniwala ang minority bloc na makatutulong si Gatchalian upang maibalik ang katatagan at tiwala ng publiko sa Senado matapos ang mga kontrobersiya, tensiyong pulitikal at usaping pangseguridad sa kapulungan.

“Sabi nga nila, in politics, one day is a long time. So, we will see. Tuloy-tuloy ang pagsusuyo and we really believe Senator Win Gatchalian is an excellent choice,” pahayag ni Pangilinan sa isang Zoom interview nang tanungin tungkol sa posibilidad na mahalal si Gatchalian bilang bagong Senate President.

Sinabi ni Pangilinan na buo ang suporta ng minority bloc, na tinatawag ding Solid Bloc 11, kay Gatchalian bilang posibleng kapalit ni Senate President Alan Peter Cayetano.

Ayon kay Pangilinan, kailangan ng Senado ang lideratong makatutulong para pakalmahin ang kapulungan at maibalik ang tiwala ng publiko matapos ang ilang araw ng kawalan ng katiyakan.

“His leadership will have stabilized the Senate at yung kanyang sipag, at acceptable naman siya sa napakarami nating kapwa senators. Yun ang ating gusto mangyari para ma-stabilize ang Senate at magbalik ang tiwala,” ani Pangilinan sa hiwalay na panayam sa radyo.

Sinabi pa ni Pangilinan na katanggap-tanggap si Gatchalian sa maraming senador, kabilang ang ilan mula sa mayorya, kaya praktikal siyang piliin ng minority bloc.

“We are united and we know madami din naniniwala at humahanga sa kanya sa majority, so baka sakali may ilan sa kanila makumbinsi,” dagdag ni Pangilinan.

Binanggit din ni Pangilinan ang naging trabaho ni Gatchalian bilang chairman ng Senate Committee on Finance, partikular sa pagsusulong ng transparency sa 2026 national budget matapos ang kontrobersiya sa flood control projects.

Ayon pa kay Pangilinan, nakatulong si Gatchalian sa pagpasa ng tinukoy niyang pinakamataas na agriculture budget mula noong 2010.

Ipiniprisinta ng minority bloc ang posibleng pagkahalal kay Gatchalian bilang hakbang upang makatulong sa pagpapatatag ng Senado, at hindi lamang simpleng labanan para sa pinakamataas na puwesto sa kapulungan.

Nasa ilalim ng pagbabantay ng publiko ang Senado kasunod ng mga pagbabago sa liderato, pagkakahati-hati ng mga puwersang pulitikal at mga usaping pangseguridad.

Sinabi ni Pangilinan na patuloy pa rin silang humahanap ng suporta mula sa ibang senador, kabilang ang ilan mula sa mayorya na maaaring maging bukas sa panibagong pagbabago sa liderato.

Gayunman, nananatiling hamon ang numero. Bagama’t buo ang Solid Bloc 11 sa pagsuporta kay Gatchalian, kailangan pa rin ng grupo ng dagdag na boto upang makapaghalal ng bagong Senate President.

Pero ayon kay Pangilinan, magpapatuloy ang kanilang pagsisikap.