Garin

Rep. Kiko Barzaga vlogger ang peg hindi mambabatas–Rep. Garin

Mar Rodriguez May 28, 2026
47 Views

HINDI trabaho ng kongresista ang ginagampanan ni Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga sa Kamara de Representantes kungdi trabaho ng vlogger, ayon kay House Deputy Speaker at Iloilo Rep. Janette Garin.

Ayon sa mambabatas, ang trato ni Barzaga sa Mababang Kapulungan ay mistulang “content game” at hindi sineseryoso ang pagseserbisyo sa kaniyang mga constituents sa Cavite.

Dahil dito, hindi kailanman maaaring gawing content sa social media, palabas sa online at paligsahan sa paramihan ng followers ang Kamara de Representantes, pagbibigay diin ni Garin.

Ang trabaho ni Barzaga sa Kongreso, partikular kung ang mga iresponsableng akusasyon ni Barzaga, ay kumakaladkad sa pangalan ng Kamara bilang institusyon.

Ang ibinigay na pahayag ng Iloilo Lady solon ay kasabay ng pagpapatuloy pagdinig ng House Committee on Ethics sa mga isinampang reklamo laban kay Barzaga kaugnay sa masagwang asal nito.

Patong-patong na umano ang mga reklamo laban kay Barzaga, ayon kay Garin, kaya pinag-aaralan na ng Ethics Committee ang magiging hatol laban sa “pasaway” na kongresista.

Nauna nang sinuspinde ng Kongreso si Barzaga matapos mapatunayan ng Ethics Committee na gumawa ang mambabatas ng mga bagong paglabag sa mga alituntunin ng Mababang Kapulungan habang nagsisilbi pa sa naunang suspensyon.

“Kasi marami siyang mga ginagawa na hindi nga sang-ayon sa behavior ng isang kongresista,” dagdag pa ni Garin.

Binanggit ng House Deputy Speaker bilang halimbawa ang mga pahayag ni Barzaga na nag-uugnay sa pagkamatay ng isang Vice Mayor sa Iloilo sa mga isyu ng flood control at ang pagkaladkad sa pangalan ng mga pinuno ng Kamara de Representantes na nagmula sa Iloilo.

“Drinag niya sa flood control, sinabi niya ang sadyang may mga nangyari at napagbintangan pa ‘yung leaders ng House who are from Iloilo, Congressman [Lorenz] Defensor and myself, na may kinalaman doon sa pagkamatay,” ayon kay Garin.

Paliwanag ni Garin na nasaktan ang pamilya ng pumanaw na opisyal sa pampublikong paratang na ito na inilarawan niya bilang iresponsable at walang konsiderasyon.