Hot News

Hinimok ng kampo ni Romualdez ang pagiging patas, pagbabatay sa ebidensya sa usapin ng flood control

26 Views

AtienzaDAPAT umanong ibatay sa ebidensya ang pananagutan sa kontrobersiya ng flood control at hindi sa mga haka-hakang nakabatay lamang sa posisyon o titulo, lalo na’t ang pambansang badyet ay dumaraan sa mahaba at masalimuot na proseso na kinasasangkutan ng Ehekutibo, Kamara, Senado, at Pangulo.

Ito ang binigyang-diin ni Atty. Elaine A. Atienza, tagapagsalita ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, habang itinatanggi niya ang mga alegasyong kontrolado umano ni Romualdez ang proseso ng pambansang badyet noong siya ay Speaker ng Kamara.

“Ang pananagutan ay dapat nakabatay sa ebidensya, hindi sa teorya o opinyon. Dapat itong ibatay sa aktwal na ginawa ng isang tao, at hindi sa mga inaakala lamang ng iba dahil sa kanyang titulo,” pahayag ni Atienza.

Nagbigay ng pahayag si Atienza matapos ang pampublikong pahayag ng Ombudsman na nagsasabing si Romualdez umano ang “mastermind” ng flood control scheme dahil mayroon daw itong “functional control” sa proseso ng badyet noong siya ay Speaker.

“Tinututulan namin ang kamakailang pampublikong pahayag na nagsasabing si Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ang utak ng flood control scheme dahil bilang Speaker noon ay mayroon umano siyang ‘functional control’ sa proseso ng badyet. Linawin po natin: walang tinatawag na ‘functional control’ sa proseso ng badyet,” diin ni Atienza.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), ang proseso ng pambansang badyet ay dumaraan sa paghahanda, pag-apruba, implementasyon, at pananagutan. Ang National Expenditure Program (NEP) ay inihahanda ng Ehekutibo at isinusumite sa Kongreso para sa deliberasyon bago ito maipatupad at ma-audit.

“Hindi po ginagawa ng iisang tao ang national budget. Hindi ito hawak ng iisang opisina lamang, at lalong hindi ito kayang diktahan o kontrolin ng House Speaker,” paliwanag ni Atienza.

Binigyang-diin din niya na ang badyet ay isang layered o maraming antas na prosesong institusyonal na kinabibilangan ng Ehekutibo, Kamara, Senado, bicameral deliberations, at aksyon ng Pangulo.

“Sa madaling sabi, ang national budget ay hindi ginagawa ng iisang tao, iisang opisina, o iisang institusyon lamang. Dumadaan po ito sa isang mahaba, masusi, at multi-layered na proseso,” ani Atienza.

Ayon pa sa kanya, hindi tugma sa aktwal na proseso ng gobyerno ang alegasyong may “functional control” si Romualdez sa buong sistema ng badyet.

“Kaya po ang paratang na si Rep. Romualdez ay may ‘functional control,’ o mas malala, na siya ang ‘mastermind’ ng buong flood control scheme, ay hindi suportado at hindi tugma sa mismong istruktura ng ating pamahalaan at sa aktwal na proseso ng national budget. Huwag po nating baluktutin ang katotohanan,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Atienza na walang kapangyarihan ang Speaker para diktahan ang Senado, Pangulo, o iba pang sangkot sa proseso ng badyet.

“Wala pong kakayahan ang Speaker na diktahan ang mga Senador, ang Pangulo, o ang sinuman sa proseso ng pagpasa ng budget. At nais din naming ulitin: hindi ang mga mambabatas ang nagre-release ng pondo,” sabi niya.

Ipinaliwanag ni Atienza na nagsisimula ang pambansang badyet sa mga ahensya ng Ehekutibo na nagsusumite ng kani-kanilang budget proposals. Ang mga ito ay kino-consolidate sa National Expenditure Program o NEP bago isumite sa Kongreso.

Kapag naisumite na sa Kongreso, sumasailalim ito sa committee hearings, plenary deliberations, at hiwalay na pagsusuri ng Kamara at Senado bago makarating sa Pangulo para sa pinal na pag-apruba.

“Pagkatapos isumite, saka pa lamang ito nire-review ng House of Representatives. Ang pagre-review ay dumadaan sa maraming pagdinig at deliberasyon, maging sa Appropriations Committee man o sa malakihang plenaryo na may daan-daang miyembro,” paliwanag ni Atienza.

Dagdag pa niya, gumagawa rin ang Senado ng sarili nitong bersyon ng badyet, at ang pagkakaiba ng bersyon ng dalawang kapulungan ay inaayos sa Bicameral Conference Committee bago isumite sa Pangulo.

“Ang Senado ay gumagawa rin ng sarili nitong review at sariling bersyon. At kung may pagkakaiba ang bersyon ng House at ng Senado, ito po ay dinadala sa Bicameral Conference Committee, at sa ilang pagkakataon, sa Small Bicam group, bago ang final version ay ipadala sa Pangulo para sa approval, o line-item veto,” aniya.

Binigyang-diin din ni Atienza na hindi mga mambabatas ang nagpapatupad ng proyekto, nag-iinspeksyon ng natapos na proyekto, o nagpapatunay kung ang proyekto ay tunay, tapos na, o may depekto.

“Hindi rin sila ang nag-i-implement ng proyekto. At mas lalong hindi mambabatas o ang mismong Speaker of the House ang nag-i-inspect at nagce-certify na tapos na ang isang proyektong ghost naman pala,” saad niya.

Para kay Atienza, mas nararapat na sundan ang ebidensya at hayaang ang legal na proseso ang magtakda ng pananagutan sa halip na mauna ang mga pampublikong haka-haka bago pa man mailatag ang mga katotohanan.

“Kaya nananawagan kami ng kahinahunan, pagiging patas, at pagsunod sa mga alituntunin. Ang malalawak na pampublikong pahayag na itinuturo si Rep. Romualdez bilang pangunahing arkitekto ng isang kolektibo at masalimuot na proseso na kinabibilangan ng Ehekutibo, Kamara, at Senado ay hindi nakatutulong sa paghahanap ng katotohanan,” sabi ni Atienza.

Aniya, ang mga hindi suportadong naratibo ay maaaring manaig kaysa sa mga totoong ebidensya at magdulot ng hindi patas na pagtingin ng publiko sa mga inaakusahan.

“Pinatitibay lamang nito ang aming pangamba na nauuna ang mga pampublikong naratibo kaysa sa ebidensya. Handa si Rep. Romualdez na sagutin ang lahat ng alegasyon sa tamang legal na proseso,” dagdag ni Atienza.