Robin

UP law prof tinatawag na ‘kalokohan’ bersyon ni Padilla sa force majeure

38 Views

ANG muling pagbibigay-kahulugan sa “force majeure” upang payagan ang isang puganteng senador na bumoto nang remote sa mga sesyong plenaryo at sa impeachment trial ni Pangalawang Pangulong Sara Z. Duterte ay isang malayong interpretasyong legal na hindi dapat pahintulutan, ayon sa isang propesor ng batas mula sa University of the Philippines (UP) noong Biyernes.

Sa panayam sa DZMM Teleradyo, tinutulan ni UP Assistant Professor Michael Tiu Jr. ang panukala ni Senador Robin Padilla na amyendahan ang mga tuntunin ng Senado at baguhin ang kahulugan ng “force majeure,” na tumutukoy sa mga hindi inaasahan o pambihirang pangyayari gaya ng mga kalamidad.

Ayon kay Tiu, hindi dapat manaig ang interpretasyong ito dahil tila ginawa lamang ito upang mapagbigyan ang iilang senador.

Kahit pa tanggapin bilang force majeure ang mga halimbawang binanggit ni Padilla—gaya ng La Niña o kaguluhan sa Gitnang Silangan—sinabi ni Tiu na ang mga ganitong pangyayari ay dapat makaapekto sa lahat ng Pilipino, at anumang konsiderasyong ibibigay ay dapat para sa lahat, hindi lamang sa mga senador.

“Sa tingin ko, hindi uubra o hindi pwede, kasi bakit naman kung talagang force majeure ‘yung mga bagay na ‘yan, bakit mga senador lang ang maaapektuhan at hindi makakapunta at bumoto? Paano naman ‘yung buong Senado, ‘yung staff nila at ‘yung mga committee staff?,” tanong ni Tiu.

“So kung ang punto ay may force majeure at hindi sila makakapasok, makapag-convene ng Senate, parang weird naman na senador lang ang maaapektuhan ng rule na ‘yan,” dagdag niya.

Itinuro ni Tiu ang pandemya ng COVID-19 bilang malinaw na halimbawa ng wastong paggamit ng force majeure sa konteksto ng lehislatura sa Pilipinas. Aniya, dahil sa krisis pangkalusugan ay napilitang magsagawa ng lockdown sa buong bansa, na nakaapekto sa buhay at kabuhayan ng lahat. Dahil dito, makatwiran at kinakailangan ang paglipat ng Kongreso sa virtual sessions.

“Sa konteksto na kanyang ginagamit ay mali, hindi tama. Kasi pwede mong masabi na ‘yung mga events, mga pangyayari na ‘yun ay hindi mo mahulaan o kung mahulaan mo ay hindi mo maiwasan. Pero ang purpose ng force majeure ay bilang excuse na hindi mo magawa ang kailangan mong gawin,” diin ni Tiu, at sinabing hindi naman direktang nakaaapekto sa pagdalo o tungkulin ng isang senador ang mga halimbawang ibinigay ni Padilla.

“In the same case, dahil hindi siya makakaapekto, it’s not relevant to their duties like COVID-19 and the pandemic was a force majeure kasi ‘yun talagang nakapagpigil sa mga tao na magpunta sa kanilang mga opisina because of the health situation,” dagdag niya.

Tinawag ni Tiu na “ridiculous” at “concerning” ang panukala, at sinabing ang force majeure ay isang batayang konseptong legal sa Pilipinas. Binalaan din niya na ang pagbabaluktot sa kahulugan nito upang gawing convenient na dahilan sa pag-iwas sa obligasyon—gaya ng epekto ng panukala ni Padilla—ay sumisira sa integridad ng konsepto.

Nanatiling nakatigil ang Senado matapos mag-walkout ang minority bloc noong sesyon ng Martes, dahilan upang mawalan ng quorum at mapigilan ang pagtutulak ng mayorya na amyendahan ang mga tuntunin ng kapulungan upang payagan ang online voting sa plenaryo at maging sa impeachment trial kahit walang “force majeure.”

Ayon sa minority bloc, wala nang saysay ang kanilang pananatili dahil ipinipilit ng mayorya ang mga amyenda kahit walang committee resolution o maayos na deliberasyon.

Ang panukalang pagbabago sa tuntunin ay bunsod umano ng pagiging pugante ni Dela Rosa at ng bantang pag-aresto sa dalawa pang senador na nahaharap sa kasong plunder at graft mula sa Ombudsman kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects.

Kung wala sina Dela Rosa at dalawa pang miyembro, alam ng 13-member majority na hindi nila kayang makakuha ng sapat na boto para maipasa ang mga usaping nangangailangan ng mayorya.

Halos hindi na umusad ang Senado sa mga panukalang batas o committee hearings mula nang magkaroon ng pagbabago sa liderato, na nagdulot umano ng kaguluhan sa kapulungan at nag-iwan sa ilang komite na hindi pa maayos ang pagkakabuo.

Inaasahang magsisimula ang pre-trial proceedings para sa impeachment ni Duterte sa Hulyo 6, isang buwan matapos mag-recess ang Kongreso.