Calendar
Online voting pwede sa Kamara pag may pambihirang sitwasyon
SINABI ni Paolo Ortega V, Deputy Speaker ng House of Representatives of the Philippines, nitong Biyernes na ang mekanismo ng remote voting ng Kamara na ginagamit lamang sa panahon ng emergency at opisyal na tungkulin ay hindi maaaring ikumpara sa mga panukalang palawakin ang virtual participation sa mga sesyon ng Senado bago ang impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte.
Ipinaliwanag ni Ortega na ang remote voting mechanism ng Kamara ay matagal nang pinamamahalaan ng mga tiyak at limitadong alituntunin na ipinatupad pa noong 18th Congress, nang pilitin ng pandemya ng COVID-19 ang Kamara na gumamit ng alternatibong paraan ng pakikilahok upang matiyak ang pagpapatuloy ng gawaing lehislatibo.
“Ang framework ng Kamara ay ginawa bilang praktikal at limitadong mekanismo sa panahon ng pambihirang sitwasyon, at ito ay ipinatupad lamang sa ilalim ng malinaw na mga panuntunan noong panahon ng pandemya,” ani Ortega.
Noong Martes, tinutulan ng minorya sa Senado ang pagtatangka ng mayorya na talakayin at aksyunan ang panukala ni Senador Rodante Marcoleta na payagan ang remote participation ng isang senador habang may sesyon.
Ayon kay Ortega, pinapayagan lamang ng House rules ang remote participation tuwing may emergency, pandemya, pambihirang sitwasyon, at limitadong opisyal na tungkulin — at hindi bilang kapalit ng pisikal na pagdalo sa mga pagdinig na may pambansang interes.
Naglabas ng pahayag ang Deputy Speaker matapos gamitin ni Paolo Henry Marcoleta ng SAGIP Party-list ang mga gawain ng Kamara upang ipagtanggol ang mga panukalang nagpapahintulot sa mga senador na lumahok at bumoto nang malayuan sa mga proceedings ng Senado.
Ngunit sinabi ni Ortega na binale-wala ni Marcoleta ang aktuwal na mga limitasyong nakasaad sa Rules of the House of Representatives ng 20th Congress.
“Hindi po pwedeng piliin lang ang bahagi ng rules na convenient sa argumento. Kapag binasa mo nang buo ang House rules, malinaw na ang virtual participation ay exception — hindi default mode ng lehislatura,” ani Ortega.
Binanggit niya ang Section 89 ng House Rules, na nagpapahintulot lamang ng sesyon sa pamamagitan ng electronic platforms kapag ang pagdalo ay naging “sobrang hirap o imposible,” gaya ng panahon ng kalamidad, pandemya, welga, kaguluhan, o civil disturbances, at kapag may “agarang pangangailangan” na aksyunan ang lehislasyon.
“Napakalinaw ng Section 89. Hindi ito ginawa para sa convenience. Hindi ito ginawa para makaiwas sa pagharap sa plenaryo. Ginawa ito para matiyak na tuloy ang trabaho ng Kongreso kapag may emergency o extraordinary circumstances,” aniya.
Tinukoy rin ni Ortega ang Section 71, na nagbibigay ng limitadong exemption sa pisikal na pagdalo para sa mga opisyal na tungkulin tulad ng committee hearings, bicameral conference meetings, mga sesyon ng Commission on Appointments, proceedings ng House Electoral Tribunal, at mga misyong pinahintulutan ng Speaker.
“Nananatiling nakabatay sa pisikal na pagdalo ang mga patakaran. Ang mga exemption ay mahigpit na tinukoy at may malinaw na batayan. Hindi ito nilikha upang gawing virtual session ang normal na legislative proceedings,” paliwanag niya.
Tinanggihan din ni Ortega ang paghahambing sa Kamara at Senado, at sinabing magkaiba ang kalagayan ng dalawang kapulungan.
“Sa House, 317 kaming miyembro na may kanya-kanyang distrito sa buong bansa. Habang may sesyon, may mga bagyo, sakuna, peace and order concerns at emergency situations sa mga lalawigan na kailangan ding tugunan ng mga congressman,” paliwanag ni Ortega.
“Sa Senado, 24 lang ang miyembro at wala namang districts na kailangang balikan habang may plenary sessions,” dagdag niya.
Sinabi rin ni Ortega na malawakang ginamit ang remote participation noong kasagsagan ng pandemya dahil sa pangangailangan, ngunit nilimitahan din ito ng Kamara nang bumalik na sa normal ang operasyon.
“Maging ang House mismo ay kinilala na extraordinary measure lamang ang virtual sessions. Kaya nga pagkatapos ng pandemya, limitado na rin ang paggamit nito,” aniya.
Nagbabala siya laban sa paggamit ng mga emergency-era rules upang bigyang-katwiran ang remote participation sa mga proceedings na kasinghalaga ng impeachment trial.
“Kapag usapin na may constitutional gravity, public accountability at national interest, mas lalong kailangan ang personal presence, direct participation at full transparency,” ani Ortega.
“Huwag nating gamitin ang emergency provisions ng House rules para bigyang-katwiran ang paggawa ng extraordinary process bilang ordinaryong practice,” dagdag pa niya.

