Calendar
Mangingisda, magsasaka hikahos, dapat tulungan — Pangilinan
SINABI ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan na mahalaga sa food security ang sektor ng agrikultura at pangisdaan pero humaharap sa kahirapan at mga panganib sa produksyon.
“Malungkot dahil kung sino pa ang nagpapakain sa atin, sila ay kapos at hirap na mapakain ang mga mahal sa buhay.
Hindi na dapat mangyari ito kaya patuloy ang ating adbokasiya para suportahan ang ating mga magsasaka at mangingisda,” sabi niya.
Nagbabala si Pangilinan na maaaring lumala ang epekto ng tagtuyot sa suplay ng pagkain at manatiling mataas ang presyo ng bilihin kung kulang ang suporta sa mga magsasaka at mangingisda.
“Pag hindi binigyan ng suporta ang magsasaka at mangingisda, mananatiling kapos. At pag nanatiling kapos, hindi magiging maganda ang ani, hindi magiging maayos ang huli, hindi dadami ang supply ng pagkain, mananatiling mataas ang presyo ng pagkain,” sabi ni Pangilinan.
Hiniling ni Pangilinan ang pagpapatupad ng Sagip Saka Act, isang batas na nagpapahintulot sa pambansa at lokal na pamahalaan na direktang bumili ng pagkain mula sa accredited farmers and fisherfolk groups nang hindi na dumadaan sa public bidding.
Binanggit niya ang Camarines Sur Multipurpose Cooperative, na aniya’y tumaas ang benta sa P300 milyon sa loob ng limang taon matapos ipatupad ang Sagip Saka noong 2020.
Binanggit din niya ang Quezon City at Oriental Mindoro na direktang bumibili ng pagkain mula sa mga kooperatiba ng magsasaka at mangingisda.
Patuloy niyang uusisain ang mga ahensya sa budget deliberations upang matiyak ang suporta sa mga lokal na magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng feeding at procurement programs kahit hindi na siya ang chairperson ng Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform.
Isinusulong din niya ang dalawang nakabinbing panukalang pang-agrikultura na nakalusot na sa second reading: ang renationalization ng agricultural extension services at ang muling pagtatatag ng Bureau of Agriculture Cooperatives.
Layunin ng mga panukala na dalhin sa municipal level ang extension services at palakasin ang mga kooperatiba.
Ayon kay Pangilinan, dapat pagtuunan ng Senado ang pagkain, kahirapan, at mga problema ng sektor ng agrikultura at pangisdaan sa kabila ng patuloy na mga bangayang pampulitika.
“Kumakalam ang sikmura ng ating mga kababayan. Nanganganib na naman na magdusa ang ating mga magsasaka at mangingisda sa nalalapit na El Niño,” sabi niya.

