Sara

Adiong: Ang impeachment ni VP Sara ay laban para sa Konstitusyon

22 Views

SINABI ni House trial spokesperson at Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur na ang nalalapit na paglilitis sa Senado kaugnay ng impeachment ni Vice President Sara Z. Duterte ay laban para sa Konstitusyon, hindi “katapatan sa iisang tao,” habang tinututulan niya ang mga pagtatangkang ilarawan na parang pagtataksil sa Mindanao ang pagsuporta ng mga mambabatas sa impeachment case.

“Ito ay hindi laban ng Mindanao. Ang pinag-uusapan dito ay ang Konstitusyon. Tungkulin ito ng House at ng Senado na tupdin ang mandatong konstitusyonal,” ani Adiong, na siyang namumuno sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms.

Ginawa ni Adiong ang pahayag kasabay ng mga batikos mula sa mga tagasuporta ni Duterte, lalo na sa Mindanao, kung saan inilalarawan ng ilang kaalyado ng Bise Presidente ang impeachment proceedings bilang pag-atake sa rehiyon at sa mga mamamayan nito.

Ang mambabatas, na itinalaga bilang isa sa mga House trial spokespersons, ay malinaw ding pinag-iba ang mga mambabatas na sumusuporta sa impeachment complaint at ang mga kaalyado ni Duterte.

“Unang-una, ang pinanindigan namin dito, pinaprotektahan namin ang Constitution. Sila pinaprotektahan nila isang tao lang. Doon, klaro ’yun,” aniya.

Sa botong 257-25, na may siyam na abstention, inaprubahan ng Kamara ang impeachment laban kay Duterte dahil sa mga alegasyong kinabibilangan ng maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol sa mga opisyal ng gobyerno, at mga banta laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Binigyang-diin ni Adiong na ang suporta para sa Articles of Impeachment ay nagmula sa mga mambabatas mula sa iba’t ibang panig ng bansa, kabilang ang Mindanao.

“Kung titingnan ninyo ang voting pattern, ibig kong sabihin ang mga boto na nag-apruba sa apat na Articles of Impeachment, at kung gagawa kayo ng mapping, makikita ninyo na mula ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa,” sabi ni Adiong.

“Hindi lang mula sa Luzon at Visayas, kundi malaking bilang din ng mga miyembro ng Kamara mula sa Mindanao ang bumoto pabor sa impeachment complaint,” dagdag niya.

Inamin ni Adiong na nakaranas siya ng batikos, trolling, at online attacks dahil sa kanyang papel sa impeachment proceedings, at inilarawan niya ang mga ito bilang mga pananakot upang mapilit ang mga mambabatas na umatras.

“Mahihina ang accountability mechanism ng Konstitusyon kung magpapadala tayo sa political pressure at scare tactics,” diin niya.

Dagdag pa niya, ang pagsuko sa intimidasyon ay lalo lamang magpapahina sa mga mekanismo ng pananagutan sa ilalim ng Konstitusyon.

“Kung magpapadala kayo sa mga scare tactics na ito, unti-unti ninyong winawasak ang prinsipyo ng accountability,” ani Adiong.