Calendar
Adiong nananawagan na magpatuloy impeachment trial ni VP Sara sa gitna ng imbestigasyon ng Senado
NANAWAGAN nitong Linggo ni House trial spokesperson Zia Alonto Adiong na ipagpatuloy ang impeachment proceedings laban kay Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte, kahit na isinasagawa ng Senado ang imbestigasyon sa umano’y scam sa flood control.
Sinabi ni Alonto Adiong na ang hakbang ng Senado na muling simulan ang imbestigasyon sa flood control bago magsimula ang impeachment trial ay nagbunsod ng diskusyon sa publiko kung paano inuuna ng Senado ang mahahalagang tungkulin nito.
“Mag-uumpisa na uli ang imbestigasyon sa flood control pero ‘yung paglilitis kay VP Sara ay nakabinbin pa,” ani Alonto Adiong, House Assistant Majority Leader at chairman ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms. Binanggit niya na dapat payagan ang mga ahensyang pampamahalaan, kabilang ang Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman, na gawin ang kanilang trabaho upang maiwasan ang kalituhan.
Aniya, tila nais ng bagong majority sa Senado na lumikha ng ingay upang ang pansin ng publiko ay nakatuon sa mga anomalya sa flood control at sa mga personalidad na sangkot, sa halip na sa aktwal na paglilitis ng Pangalawang Pangulo kapag ito ay magsimula.
“Naniniwala ako na iyan ang naratibong gusto nilang itaguyod. Gusto nilang matabunan ‘yung paglilitis,” diin niya.
Idinagdag niya na nauunawaan niya na kasangkot ang isyu ng pananagutan sa parehong imbestigasyon sa flood control scam at sa impeachment trial.
“Ngunit alin ang mas mahalaga, ang pananagutan ng pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa o ang pananagutan ng mga mas mababang opisyal?” tanong ni Alonto Adiong.
Binanggit din niya ang isyu sa paraan ng pagbuo ng Senate subcommittee para sa flood control scam investigation, na sinabi ni dating Senate President at ngayo’y Minority Leader Tito Sotto na “labag sa batas” dahil ito ay dapat naaprubahan sa plenaryo.
“Ipinapakita nito na gusto nilang madaliin ang proseso. Ang pahayag ni Senador Sotto ay tugma sa alegasyon ng minority na ang online voting amendment ay pinapabilis para sa fugitibong Sen. Ronald ‘Bato’ dela Rosa,” ani niya.
Noong nakaraang Sabado, kinwestiyon naman ni House Committee on Higher and Technical Education Chairman Jude Acidre ang timing ng paglikha ng Senate Blue Ribbon subcommittee sa flood control projects na pinamumunuan ni Sen. Rodante Marcoleta.
Nagbabala si Acidre na maaari itong ilihis ang atensyon ng publiko mula sa impeachment trial ni VP Sara Duterte at maaaring ulitin ang mga usaping kasalukuyang iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman.
“Ako, pareho ako ng katanungan ng marami. Bakit kaya pinipilit nila gawin ito sa panahong ito? Alam naman natin kung ano at saan nakatuon ang atensyon ng taumbayan,” ani Acidre sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City.
Aniya, ang mga alegasyon tungkol sa flood control projects ay nasuri na sa mga nakaraang congressional hearings at kasalukuyang nire-review ng Ombudsman.
“Tutal, nandoon na rin naman ang proseso sa Ombudsman, na siyang tamang forum. At sa tingin ko, sang-ayon ang lahat na iyon ang tamang forum,” ani Acidre.

