Pabo

83-ANYOS NA LOLA, SUGATAN MATAPOS ATAKIHIN NG MGA PABO

29 Views

NAGING madugo ang panggabing lakad ng isang 83-anyos na lola sa Alameda, California matapos siyang brutal na atakihin at pabagsakin ng mga nagwawalang ligaw na pabo o wild turkeys.

Grabe ang trauma at mga pasang natamo ng biktimang si alyas Mary Anne nang bigla siyang dinaluhong ng dalawang dambuhalang ibon mula sa likuran.

Dahil sa lakas ng impact, bumagsak sa semento ang lola, na nagresulta sa pagkabasag ng kanyang salamin at pagdugo ng ilong.

Ayon sa biktima, isinugod siya sa emergency room kung saan anim na tahi ang inabot ng kanyang kanang kamay bukod pa sa isinagawang CT scan.

Hustisya at aksyon naman ang hiling ng lola sa pamahalaan bago pa may iba pang mapahamak.

Kaya lang, lalo itong nadismaya nang tanggihan ng Alameda Police Department ang kanyang reklamo dahil “wildlife” umano ang salarin at hindi domestikong hayop tulad ng aso.

Depensa naman ni Emily Crum, animal control officer ng lungsod, na nakatali ang kanilang kamay dahil wala sa batas ng lungsod ang pagpapatalsik o pag-alis sa mga ligaw na pabo sa kanilang komunidad.