Just In

Calendar

June 2026
M T W T F S S
1234567
891011121314
15161718192021
22232425262728
2930  

2 bus ng Victory Liner naaksidente; kumpanya pinagpapaliwanag

Jun I Legaspi Jun 1, 2026
29 Views

IPINATAWAG ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang operator ng dalawang bus na nasangkot sa aksidente sa Tuba, Benguet noong Mayo 30.

Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Vigor Mendoza II, pag-aari ng Victory Liner, Inc. ang mga bus na kasangkot kaya inatasan na ang kumpanya na ipaliwanag kung bakit hindi dapat suspindihin o bawiin ang kanilang prangkisa.

“Nakakuha na kami ng police report tungkol sa insidente ngunit bibigyan pa rin sila ng pagkakataon na magpaliwanag. Inisyu na ang show cause order at inaasahan ng LTFRB ang buong pagsunod,” sabi ng LTFRB chairman.

Batay sa imbestigasyon, isang Victory Liner bus na patungong La Union ang nagkaroon ng problema sa makina habang paakyat sa kalsada.

Dahil dito, nabangga nito ang isa pang Victory Liner na paparating mula sa kabilang direksyon, pati na ang SUV na sinusundan, bago tumama sa konkretong harang at tuluyang tumagilid.

Mahigit 90 pasahero ang naiulat na nasugatan, karamihan mula sa bus na tumagilid.

Sinabi ni Chairman Mendoza na habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, prayoridad ngayon ang kaligtasan at agarang tugon sa mga nasugatang pasahero, lalo na sa mga nananatili sa ospital.

Dagdag pa ni Chairman Vigor, nakikipag-ugnayan na ang LTFRB sa bus company at insurance provider upang masiguro ang mabilis na bayad sa insurance.

“Hindi pwede na paghintayin pa natin ang mga pasahero,” aniya.

Samantala, sinuspinde ng LTFRB ang operasyon ng 26 Victory Liner buses habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon.