Calendar
SOURCE: PING LACSON FB
B-day wish ni Lacson: Maibalik integridad, dignidad ng Senado
SINABI ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na layon ng hindi pagdalo ng Senate majority sa sesyon nitong Lunes na “hold legislation hostage” dahil sa pag-aresto kay Senador Jose “Jinggoy” Estrada, habang tinanggihan niya ang pag-frame ni Senate President Alan Peter Cayetano na ang hakbang ay para ipagtanggol ang kalayaan ng Senado.
Ayon kay Lacson, ang hindi pagdalo ng majority bloc sa sesyon ay hindi pagpapakita ng kalayaan ng institusyon kundi “dereliction of duty” na hindi makalulutas sa standoff sa kapulungan.
“Standing up for the Senate’s independence does not place SP Cayetano and any senator above the law. It has nothing to do with non-adherence to the rule of law. Dereliction of duty will not solve this partisan gridlock. Its sole purpose is to hold legislation hostage,” sabi ni Lacson.
Hindi nabuksan ang sesyon ng Senado nitong Lunes matapos hindi humarap sa plenaryo ang majority bloc at ang presiding officer, habang naroroon ang lahat ng 11 minority senators para sa 5 p.m. resumption.
Nauna nang tinawag ng minority bloc na “boycott of duty” ang no-session incident, at sinabing ang mayorya na pinamumunuan ni Cayetano ay “chose not to show up” habang nanatiling nakabinbin ang ilang panukala at mga usapin sa kumpirmasyon.
“Let us call this for what it is: the claim that this is about Senate independence is false, because what happened today was about the rule of law, public accountability and a lawful process before the Ombudsman and the Sandiganbayan that no senator, no bloc and no presiding officer controls,” pahayag ng Solid Bloc 11.
Ayon sa bloc, ang hindi pagbubukas ng sesyon ay “a boycott because of the arrest of Senator Jinggoy Estrada,” at tinanong nito kung kinukuwestiyon na ba ni Cayetano ang rule of law.
Sumunod ang no-session incident sa pagsuko ni Estrada matapos maglabas ang Sandiganbayan ng warrant of arrest laban sa kanya sa mga kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y flood-control irregularities.
Itinanggi ni Estrada ang mga alegasyon at sinabi niyang handa siyang ipagtanggol ang sarili sa korte.
Sinabi ng minority na ilang usapin ang naiwan dahil sa hindi pagdalo ng mayorya, kabilang ang Magna Carta of Barangay Health Workers, Anti-Hospital Detention Bill, kumpirmasyon ng mga heneral sa Commission on Appointments, at mga panukalang nagkakaloob ng Philippine citizenship kina Bennie Boatwright III at Matthew James Ramos.
Sa hiwalay na pahayag, hinimok ni Cayetano ang mga senador na hayaang “go quiet” ang Senado bilang paninindigan umano para sa kalayaan ng kapulungan, at sinabing ang Senado ay co-equal branch of government at “not a prize to be claimed by anyone.”
“So I put one question to you, not as the Majority but as the chamber: will you stand for the Senate’s independence?” sabi ni Cayetano.
Iginiit naman ni Lacson na hindi dapat huminto ang trabaho ng Senado dahil sa legal process na kinakaharap ni Estrada.
Sinabi rin niya na ang kanyang birthday wish ay maibalik ng Senado ang integrity, dignity, reputation at public trust nito.
Kung walang pormal na pagbubukas ng sesyon, quorum at presiding officer, hindi makakakilos ang Senado sa mga nakabinbing usapin. Sa 24-miyembrong Senado, kailangang naroroon ang hindi bababa sa 13 senador para magkaroon ng quorum at makapagsagawa ng balidong proceedings.

