Calendar
Source: File photo
Pinakamahirap na estudyante lumakas ang tsansa na makapagtapos ng pag-aaral
INAPRUBAHAN ng bicameral conference committee ang reconciled version ng panukalang magpapalakas sa free college law, kabilang ang pagbibigay-prayoridad sa Tertiary Education Subsidy para sa Senior High School graduates mula sa 4Ps households at pagpapalawak ng allowances para sa mahihirap at vulnerable students.
Sinabi ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda na pinagtibay at nilagdaan ng panel ang reconciled version ng Senate Bill No. 1894 at House Bill No. 8476, na naglalayong palakasin ang Republic Act No. 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Bilang principal sponsor at may-akda ng Senate measure, sinabi ni Legarda na layon ng panukala na matiyak na makararating ang Tertiary Education Subsidy sa pinakamahihirap at pinaka-vulnerable na mga Pilipinong mag-aaral.
“Education opens doors that poverty tries to close. With this measure, we are ensuring that financial constraints will no longer prevent young Filipinos from completing their education,” sabi ni Legarda.
Sinabi niya na saklaw ng pinalawak na subsidy ang transportation, housing, books at laptops para mas matulungan ang mga estudyante na makatapos ng pag-aaral.
“This measure gives every child, regardless of circumstances, the chance to pursue their aspirations and graduate with dignity. It is about hope, fairness, and the belief that no young person should be denied the future they deserve simply because of poverty,” sabi ni Legarda.
Sa ilalim ng reconciled bill, awtomatikong bibigyan ng prayoridad sa TES eligibility ang Senior High School graduates mula sa mga pamilyang sakop ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Palalawakin din nito ang allowances para masakop ang books, transportation, laptops at housing. Aatasan din ang state at local universities and colleges, gayundin ang technical-vocational institutions, na magpatupad ng Equity and Inclusion Plans para matiyak ang patas na access para sa disadvantaged students.
Magbibigay rin ang panukala ng karagdagang suporta para sa learners with disabilities at mag-uutos ng regular na pagsusuri sa halaga ng TES grants upang makasabay sa tumataas na gastos sa edukasyon.
Ayon kay Legarda, higit pa sa financial aid ang panukala dahil layon nitong tugunan ang mga hindi pagkakapantay-pantay na pumipigil sa maraming kabataang Pilipino na makatapos ng tertiary education.
“This is more than a subsidy, it is a commitment to fairness and opportunity. I have seen how inequities in our system hold back so many young Filipinos,” sabi niya.
“Through this measure, we are telling them that they belong in the classroom, that they deserve to graduate, and that they have a rightful place in building our nation’s future,” dagdag niya.
Ipapadala ang nilagdaang bicameral report sa dalawang kapulungan para sa ratification.

