Adiong

Adiong: Papel ng mamamayan krusyal sa VP Sara impeachment

Mar Rodriguez Jun 2, 2026
35 Views

KINIKILALA ni House prosecution team spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang krusyal na papel ng mamamayang Pilipino para tiyakin na transparent ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.

Ikinagalak din ng House Senior Deputy Speaker ang paglulunsad ng “Bantay Senado” na naglalayong masusing mabantayan ang gagawing paglilitis ng Mataas na Kapulungan sa impeachment case laban kay Duterte.

“Ikinagagalak natin ang inisyatibong ito dahil may mahalagang papel na dapat gampanan ang mga mamamayan sa pagtiyak ng transparency at accountability sa buong proseso ng impeachment,” sabi ni Adiong.

Sinabi din ng kongresista na ang impeachment trial sa Senado ay hindi lamang tungkol sa prosekusyon, depensa, o sa mga senator-judges bagkus, ito’y Constitutional process na isinasagawa sa ngalan ng mamamayang Pilipino.

Ang Bantay Senado ay isang “non-partisan coalition” ng mga mag-aaral, akademiko, abogado, mga grupo mula sa civil society at mga nagmamalasakit na mamamayan na inilunsad sa De La Salle University Manila.

Dahil dito, pagbibigay diin ni Adiong na wala silang pinapanigang posisyon sa kung may sala o inosente si Duterte sa halip ay layon nilang isulong ang pagsubaybay ng publiko at ang pag-unawa sa proseso ng impeachment.

Dumarating ang inisyatiba sa isang krusyal na panahon habang naghahanda ang bansa para sa itinuturing na isa sa mga pinatututukan ng Konstitusyonal na pagdinig sa kamakailang kasaysayan.

Magaganap ang paglilitis, sabi pa ni Alonto, sa gitna ng isang kapaligiran ng impormasyon na lalong hinuhubog ng social media, mga livestreaming platform at artificial intelligence.