Calendar
Gurong tinimbog dahil sa gahasa, walang piyansa
TIMBOG ang 27-anyos na guro na wanted sa kasong panghahalay matapos matunton sa kanyang tirahan Huwebes ng madaling araw sa Paranaque City.
Binasahan kaagad ng kanyang karapatan ng tauhan ni Paranaque police chief P/Col. Nicolas Pinon si alyas “John” matapos isilbi ang warrant of arrest na inilabas laban sa kanya noong Mayo 25, 2026 ni Paranaque City Family Court Presiding Judge Moises Domingo De Castro ng Branch 10 para sa dalawang bilang na kasong Rape dakong alas-4:40 ng madaling araw.
Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco, binuo ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Paranaque Police ang isang team na aaresto kay alyas John, na nasa Top 1 Most Wanted ng lungsod, matapos makatanggap ng impormasyon na umuwi sa kanyang tirahan ang akusado.
Walang piyansang inilaan ang korte para sa pansamantalang paglaya ng akusado na nasa kostodiya na ng Paranaque Police Station habang hinihintay ang commitment order na ilalabas ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Paranaque City Jail.

