SEC

Dahil sa robbery, opisyal ng SEC tiklo

Jon-jon Reyes Jun 4, 2026
49 Views

INARESTO ng mga ahente ng National Bureau of Investigation- CARAGA Regional Office (NBI-CARAGA) ang director ng Securities and Exchange Commission (SEC)–Butuan Extension Office (SEC-BEO) sa entrapment sa SM City Butuan dahil sa umano’y panghihingi ng pera kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso.

Ayon kay NBI Director Atty. Melvin Matibag, nag-ugat ang operasyon sa reklamong inihain ng Saligal Law, abogado para sa HMW Lending Investors, Inc. (HLI), na sinasabing ang inaresto at isang hindi kilalang babae ay humingi ng pera mula sa HLI kapalit ng hindi pagsasampa ng mga kasong administratibo na may kaugnayan sa mga di-umano’y paglabag sa Revised Corporation Code at Lending Company Regulation Act of 2007.

Ang paunang demand na P650,000–na sumasaklaw sa 13 sangay ng HLI sa Caraga–ay kalaunan bumaba sa P250,000 at P80,000 lang sana ang opisyal na matatanggap.

Doon inihanda ang operasyon para mahuli ang suspek sa tulong ng mga marked bill na may alikabok ng ultraviolet powder.

Noong Mayo 26 dumating ang suspek at tinanggap ang marked money mula sa kinatawan ng HLI kaya agad na inaresto siya.

Inilagay ng SEC ang suspek sa preventive suspension habang nagpapatuloy ang imbestigasyon at ihaharap siya para sa inquest proceedings sa City Prosecutor’s Office ng Butuan City sa mga kasong robbery with intimidation of persons, paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) at paglabag sa RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).