Pusher

arestado sa P4.3M kush, Ecstasy, cocaine

Edd Reyes Jun 4, 2026
34 Views

UMABOT sa P4.3 milyong halaga ng iba’t-ibang ilegal na droga ang nasamsam ng mga pulis sa 23-anyos na pinaniniwalaang drug pusher noong Huwebes sa Makati City.

Isinagawa ng mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Glenn Oliver Cinco ang buy-bust dakong alas-4:10 ng umaga sa Brgy. San Antonio, Makati matapos makipag-transaksiyon sa police poseur-buyer ang suspek para sa pagbebenta ng P100,000 halaga ng kush.

Nang tanggapin ng suspek na si alyas Kuya ang markadong P1,000 at 99 na piraso ng tig-P1,000 boodle money, dinakip na siya ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni Makati police chief P/Col. Pedro Alagano Jr.

Nasamsam sa suspek ang may kabuuang P4.3 milyong halaga ng iba’t-ibang droga, kabilang ang tinatayang 1,400 gramo ng kush na nagkakahalaga ng P2.1 milyon, 710 piraso ng Ecstasy na may halagang P1.207 milyon, 45 vape na may marijuana oil na nagkakahalaga ng P135,000, 100 gramo ng cocaine na may halagang P530,000, 40 gramo ng ketamine na nagkakahalaga ng P378,000 at mga drug paraphernalia.

Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek sa Makati City Prosecutor’s Office.